Home NATIONWIDE Senado ‘no choice’ sa VP impeachment trial

Senado ‘no choice’ sa VP impeachment trial

MANILA, Philippines – Kinakabahan si Senador Alan Peter Cayetano na baka mauwi sa isang pambansang krisis ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte kung hindi ito matutuloy.

Sa panayam, sinabi ni Cayetano na kakaiba ang impeachment ng bise presidente kumpara sa impeachment ng pangulo.

Aniya, pwedeng panagutin ang bise presidente nang hindi nagdudulot ng matinding kaguluhan sa pulitika at sa bansa.

“Kapag presidente ang pinag-uusapan… every single day he or she stays na hindi natatanggal, that’s damage to the country,” sabi ni Cayetano sa mga reporter nitong Hunyo 3.

Sinabi ni Cayetano na mas mabigat ang proseso ng pagtanggal sa pangulo dahil posibleng magdulot ito ng kaguluhan sa bansa.

Samantala, mas magaan naman aniya ang impeachment ng bise presidente kaya’t maaari itong isagawa nang hindi naaantala ang kalagayan ng bansa.

“Kasi ang vice president, pwede mong kasuhan sa piskalya. Puwede mong kasuhan sa Ombudsman. So there are other ways to hold them accountable na walang pulitika,” wika ni Cayetano.

Sa ilalim ng 1987 Konstitusyon, parehong pwedeng i-impeach ang pangulo at bise presidente dahil sa mga mabibigat na kasalanan tulad ng paglabag sa public trust, graft, at iba pang malalaking krimen.

Ayon naman sa Department of Justice, habang impeachable ang bise presidente, “not immune from suit” siya, at ang pangulo lamang ang “immune from suit.”

Ipinaalala rin ni Cayetano na may tungkulin ang Senado na hindi maaaring balewalain pagdating sa impeachment ni Vice President Duterte.

“Walang choice ang Senado. We have to carry out our constitutional duty. Hindi mo pwedeng pagbotohan kung ano’ng dapat gawin sa Constitution. Nakalagay sa Constitution, malinaw e. May trial,” sabi ni Cayetano.

Inamin din ng senador na hati na ang opinyon ng publiko tungkol sa impeachment. Marami na ang may matibay na panig kung dapat bang isailalim sa paglilitis o agad na mapawalang-sala ang bise presidente.

“Makikita niyo sa comments… merong neutral pero marami talaga diyan, gustong makita na tine-trial siya. Yung iba naman, gustong ma-absuelto kaagad. That’s where the political nature of the impeachment comes in,” sabi niya.

Tinukoy din ni Cayetano ang timing ng pag-file ng reklamo, na inihain noong umpisa ng campaign season nitong Pebrero at ilang linggo na lamang bago matapos ang ika-19 na Kongreso.

“It would have been a totally different case if it’s at the start of the term, middle of the term. Pero the reality is, finile mo the day na magsa-start ‘yung campaign… and now we only have two weeks,” wika niya.

Sa kabila ng mga komplikasyon, binigyang-diin ni Cayetano ang kahalagahan ng pagiging tapat sa Konstitusyon.

“Kaya may second oath. Hindi kami pwedeng mag-comment [beforehand]. Kasi mag-oath kami uli that we’ll be fair,” sabi niya.
Ernie Reyes