MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, na imbestigahan ang 40 district offices ng ahensya dahil sa umano’y intelligence reports ng iligal na paglilipat ng pagmamay-ari ng mga sasakyan na nakumpiska nila.
Inilarawan naman ng Philippine National Police ang nasabing modus bilang “technical carnapping.”
Sinabi ni LTO Chief Mendoza II na maglalabas siya ng show cause order upang pagpaliwanagin ang lahat ng sangkot na pinuno ng district offices ang kumpirmadong intelligence reports hinggil sa naturang modus.
Kaugnay nito, nalaman ni Mendoza—sa gitna ng patuloy na koordinasyon ng LTO sa PNP upang ipatupad ang mga patakaran sa trapiko at habulin ang mga indibidwal at grupong sangkot sa mga ilegal na aktibidad gamit ang mga sasakyan—na ilang district offices ng LTO ang sangkot sa hindi awtorisadong pagproseso ng Cancellation of Transfer of Ownership at Duplication of Certificates of Registration.
Ang modus, ayon kay Mendoza, ay nagsasangkot ng mga narekober na sasakyan na iligal na inilipat sa mga bagong may-ari, gamit ang bagong duplicate na Certificate of Registration na may kasamang wastong dokumentasyon upang magmukhang balido ang transaksyon.
“Ipinaalam na namin kay DOTr Secretary Vince Dizon ang modus na ito at malinaw ang kanyang tagubilin: tukuyin at tiyakin na airtight criminal at administrative charges ang maisasampa laban sa mga sangkot sa ilegal na aktibidad na ito,” ani Asec. Mendoza.
“Hindi natin hahayaang lumipas ito. Hindi natin hahayaan na magamit ang LTO sa mga ilegal na aktibidad tulad nito,” dagdag pa niya.
Idinagdag pa ng hepe ng LTO na ang mga kasong administratibo na may kasamang dismissal penalties ay itinuturing na maling pag-uugali sa ilalim ng Civil Service at LTO Memorandum Circular No. MC-91-137 na may petsang 6 Hunyo 1991, at itinuturing ding paglabag sa LTO Citizen Charter.
Batay sa datos ng LTO, 15 sa mga iligal na paglilipat ng pagmamay-ari ng mga sasakyang de-motor na nasamsam sa mga operasyon ng pulisya ay nangyari sa CARAGA Region; walo sa Rehiyon 9; tig-apat sa Rehiyon 2 at Rehiyon 11; tig-dalawa sa Rehiyon 1, Rehiyon 3, at Rehiyon 10; at tig-isa sa Rehiyon 4A, Rehiyon 8, at sa Cordillera Administrative Region.
Sinabi ni Mendoza na natukoy na sa inisyal na imbestigasyon ang 40 sasakyang sangkot sa isyu.
“Maglalabas kami ng show cause orders laban sa mga bagong rehistradong may-ari ng mga sasakyang ito,” ani Asec. Mendoza. (Santi Celario)