Home NATIONWIDE Senador sa ERC: Consumers payagan sa staggered payment sa biglang-taas na electricity...

Senador sa ERC: Consumers payagan sa staggered payment sa biglang-taas na electricity bills

MANILA, Philippines – Hiniling ng isang senador sa Energy Regulation Commission (ERC) nitong Miyerkules, Mayo 30 na magpalabas ng kautusan sa lahat ng power utilities na payagan ang staggered payment sa consumers sa gitna ng biglaang pagtaas ng electricity bills.

Sa interview, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na nagawa ito sa panahon ng pandemya ng COVID-19 na binigyan ang power consumer ng palugit sa pagbabayad ng singil sa kuryente nang walang interest, penalties, at iba pang additional charges.

“Bigyan ng option ang mga consumers natin na magbayad ng staggered payment. Noong pandemic, natatandaan ko, umabot pa nga ng mga two or three months yung staggered payments,” ani Gatchalian.

“Habang staggered, obviously, huwag munang putulan ng kuryente at yung ating mga consumers huwag ding i-charge ng interest payments,” paliwanag pa ng senador.

Sinabi ni Gatchalian na maraming consumer ang maaapektuhan ng biglaang pagtaas ng singil sa kuryente na nagtakda ng kaukulang badyet mula sa buwanang gastusin.

Kahit aniya, ang sariling bahay, nagtaas ng mahigit 50 porsiyento sa electricity bill sanhi ng mainit na panahon.

Sa panahon ng pandemya, hinimok ng ERC ang customer na maaaring magbayad ng singil sa kuryente sa tamang panahon upang makatulong sa energy companies na magkaroon ng pondo.

Hinikayat din ng komisyon ang kompanya na magbigay ng insentibo sa maagang magbabayad. Ernie Reyes