MANILA, Philippines – Muling itinalaga si Senador Vicente “Tito” Sotto III bilang Senate President. Pinalitan nito si Senador Francis “Chiz” Escudero bilang pinuno ng upper chamber.
Inihain ni Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri ang mosyon sa plenaryo na ideklarang bakante ang posisyon ng Senate president na inaprubahan ni Escudero.
Pagkatapos ay ni-nominate ni Zubiri si Sotto na inilarawan niya bilang isang “leader of great integrity” sa posisyon, na pinangalawahan ni Senador Loren Legarda.
“With Senator Sotto as senate president, the Senate is in good hands,” saad ni Zubiri.
Inaprubahan ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang mosyon at walang tumutol sa 24 na miyembro nito.
Inamin ni Sotto ang mga hakbang upang simulan ang pagbabago ng pamunuan sa Senado, na pinalitan si Escudero.
Nang tanungin sa isang ambush interview kung siya ang papalit kay Escudero, sinabi ni Sotto, “Parang ganun.”
Sinabi ni Sotto na 15 senador na ang nagpahayag ng kanilang suporta sa kanya.
Sinabi pa niya na si Zubiri ang “most likely” na susunod na majority leader, kapalit ni Senator Joel Villanueva. Habang si Senator Panfilo “Ping” Lacson naman ang papalit kay Senator Jinggoy Estrada bilang Senate president pro tempore.
Ayon kay Sotto nakausap na niya si Escudero bago pa ang plenary session ngayong hapon, at binanggit na si Escudero ay maaaring magbitiw bilang pangulo ng Senado.
“I have to see him (Escudero)… Ang una kong tinanong is how do you want to do this? Sabi niya, ‘It’s up to you, how do you prefer to do it?’ Sabi niya… ‘Let’s do it and declare the Senate president vacant,’” saad ni Sotto. RNT/MND