Nanawagan si Senator Mark Villar sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na agarang suriin at repormahin ang mga umiiral nitong polisiya, partikular ang 24-hour confinement requirement, kasunod ng reklamo ng isang biyuda na nagsabing hindi naibigay ang benepisyo ng kanilang pamilya dahil sa naturang patakaran.
“May Universal Health Care Law na tayo. Ang direksyon ng ating healthcare system ay dapat nakatuon sa mas malawak na access at mas mabilis na serbisyo, hindi sa mga patakarang nagdudulot ng kalituhan at pangamba sa mga miyembro. Walang pamilyang dapat mawalan ng benepisyong matagal nilang pinaghirapan dahil lamang sa teknikalidad,” pahayag ni Villar.







