Sa isang presscon ng Minority Bloc sa Senate Media ay hiniling ng mga ito ang pagbibitiw sa pwesto ni Senate President Alan Peter Cayetano. CESAR MORALES
MANILA, Philippines – Matindi ang panawagan ng minority bloc o tinaguriang Solid Bloc 11 (SB 11) kay Senate President Alan Peter Cayetano na magbitiw sa puwesto upang bigyang laya na makapili ng bagong lider na ipagpapatuloy ang tungkulin ng Mataas na Kapulungan.
Sa magkasanib na statement ng minority na pinamumunuan ni Senate Minority Leader Vicente Sotto III na inabandona ng mayorya sa pamumuno ni Cayetano ang kanilang tungkulin na nakatakda Rules at sinumpaan sa paghawak ng poder.
“Ang nangyari ngayon ay malinaw na pag-abandona sa tungkulin, pagpapabaya sa responsibilidad, at tahasang pagsasawalang-bahala sa mga alituntunin ng institusyong ito,” giit ng minorya.
Sinabi ng minorya na hindi maaaring patigilin ang Senado sa pagtatrabaho dahil lang tumatangging mamuno ang presiding officer nito.
“Under Rule XIV, Sec. 41 of the Rules of the Senate, the Senate President may postpone the holding of the session AFTER consultation with the Majority Leader AND the Minority Leader,” ayon sa minorya.”
Anila, nilabag ng majority ang naturang patakarang ito.
“Hindi lang ito procedural lapse, ito ay tuwirang paglabag sa Rules of the Senate at lantarang pambabastos sa institusyon at sa sambayanang Pilipino. Dapat magbitiw si Senate President Alan Peter Cayetano. Ipinakita niyang hindi niya kayang gampanan ang tungkulin bilang pinuno ng Senado,” giit ng minorya.
Inihayag din ni Senador Juan Miguel Zubiri na maraming miyembro ng majority ang nagpapadala ng mensahe sa kanya na nagrereklamo sa pangyayari na walang sesyon.
“Marami sa kanila nagte-text sa amin, hindi na nila maintindihan at naguguluhan na sila sa pangyayari,” ayon kay Zubiri.
Kasabay nito, hinikayat din ng minorya ang ilang miyembro ng majority na may tunay na pagmamahal sa bayan na sumanib sa kanila at iwan ang kanilang bloke na nakakagulo sa takbo ng Senado.
Walang binanggit ng minorya kung sino ang nagbibigay ng mensahe sa kanila.
“Marami sa kanila ang gusto nang lumipat, pero wag na si Alan Cayetano,” ayon naman kay Senador Raffy Tulfo.
Kasabay nito, sinabi naman ni Cayetano na kung nakapili at mayroon na silang 13 na miyembro, nakahanda siyang magbitiw sa tungkulin.
“Sabi ko naman sa inyo, pumili tayo ng 13. I am ready to go anytime, any day. Basta’t may 13 na. Show me 13. Wala ng problema. Ang pakiusap ko lang. Let that be 13 that are fighting for the truth, so that the truth can finally set the…truth can finally set all Filipinos free. God bless you. God bless the Philippines,” ayon kay Cayetano. Ernie Reyes