MANILA, Philippines – Isang resolusyon ang inihain sa Senado upang paimbestigahan ang talamak na korapsyon sa Bureau of Immigration (BI) simula nang manungkulan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Base sa inilabas ni Senador Imee Marcos, hinihiling sa Senate Resolution No. 1355 nitong Huwebes ang imbestigasyon sa mga iregularidad, partikular sa proseso ng pagpapalawig ng tourist visa para sa mga dayuhan.
Ayon sa resolusyon, “Reports and complaints have surfaced from national and other stakeholders alleging corrupt practices, inefficiency, and irregularities committed by BI personnel, specifically in the processing of tourist visa extensions.”
Ilan sa mga naiuulat ay ang “price menu” mula P15,000 hanggang P70,000 na ipinapataw sa mga foreign tourists, depende sa haba ng kanilang pananatili sa Pilipinas.
“Hindi puwedeng ginagawa nilang negosyo ang serbisyong para sa mga dayuhan. Nasisira ang tiwala sa ating pamahalaan at pati ang imahe ng Pilipinas bilang destinasyon para sa mga turista,” ayon pa sa pahayag ni Senador Imee Marcos.
“Kailangan nang busisiin ang mga iregularidad, panagutin ang mga sangkot, at magsulong ng mga batas upang matiyak na tapat, mabilis, at makatao ang serbisyo ng Bureau of Immigration,” dagdag nito. Ernie Reyes