Home NATIONWIDE Senate probe sa bilyong pondo ng 5,500 flood control projects ihihirit ni...

Senate probe sa bilyong pondo ng 5,500 flood control projects ihihirit ni Escudero

191
0

MANILA, Philippines- Nakatakdang maghain ng isang panukala ni Senate President Francis “Chiz” Escudero upang paimbestigahan ang bilyong pondong naubos sa 5,500 flood control projects na binanggit ni Pangulong Bongbong Marcos sa State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes.

Sa pahayag, nanawagan din ni Escudero sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na wakasan ang matagal nang problema ng pagbaha sa Metro Manila matapos malubog sa tubig ang kabisera ng bansa dahil sa bagyong Carina at habagat, na nagdulot ng pagkaparalisa ng rehiyon.

Kasabay nito, inihayag naman ni Senador Grace Poe na “dadaan sa butas ng karayom” ang lahat ng flood control funds ng ilang ahensya ng pamahalaan na tumutugon sa problema.

Sinabi ni Escudero na dapat magsagawa ng masusing imbestigasyon sa flood control projects ng gobyerno sa kabila ng bilyon pisong alokasyon para rito kada taon.

“With Metro Manila now under a state of calamity and the government now working to address the damage wrought by Typhoon Carina, we should also work to determine why—over a decade after Typhoon Ondoy—chronic, severe flooding continues to afflict the nation’s capital,” punto ni Escudero.

Dagdag niya: “Swaths of NCR are flooded so work and classes are suspended; we deploy our frontliners who rescue and evacuate affected families; generous volunteers and groups organize donation efforts and distribute aid; after the rains end, we assess the costs of the damage and evacuees are sent home. Repeat.”

Binigyang-diin ni Escudero na ang paulit-ulit na pagbaha ay isang masakit na katotohanan na mahirap tanggapin, lalo na’t napakahalaga ng Metro Manila sa ekonomiya at ito pa ang sentro ng pamahalaan.

“Ganito na lang ba palagi? Tatanggapin na lang natin na kapag malakas ang ulan, magbabaha at mapaparalisa ang ikot ng buhay natin? Anong nangyari sa ‘building back better’?” tanong ni Escudero.

Inihayag ni Escudero na kailangang makipagtulungan ang DPWH at MMDA sa mga lokal na pamahalaan sa pag-inspeksyon ng mga binahang lugar para makapagrekomenda ng mga medium at long-term na solusyon upang maiwasan at mapigilan ang pagbaha.

“We cannot control the severity and frequency of typhoons and heavy rains, but we must anticipate, adjust, and adapt so that extreme weather phenomena do not unnecessarily disrupt the lives of our kababayan. Sana ang problema na kinagisnan ng ating mga lola at lolo ay ‘wag nang ipamana sa ating mga apo,” ani Escudero.

Kasabay nito, kinuwestiyon din ng Senate President ang pagiging epektibo ng mga hakbang sa pagpigil ng baha at ang paggamit ng malaking badyet na inilaan para sa mga proyektong ito.

Humigit-kumulang P255 bilyon ang inilaan para sa flood control projects ng DPWH mula sa P5.768 trilyong national budget para sa 2024, na nauna nang pinuna ni Escudero dahil sobrang laki ang halaga kumpara sa iba pang mahahalagang sektor.

Sinabi ni Escudero na magsasagawa ng imbestigasyon ang Senate Committee on Public Works, upang matukoy ang mga dahilan sa likod ng tila hindi epektibong flood control project sa kabila ng malaking pondo.

Aniya, layunin ng imbestigasyon na suriin ang kasalukuyang kalagayan ng mga sistema ng pagpigil ng baha at makabuo ng mga konkretong solusyon upang masiguro na ang malaking pondo para sa mga proyektong ito ay magbibigay ng inaasahang resulta—ang protektahan ang mga komunidad laban sa pagbaha at mabawasan ang epekto ng matitinding panahon.

Sa ginanap na budget deliberation noong nakaraang taon, binanggit ni Escudero na ang P255 bilyong badyet para sa pagpigil ng baha ay higit na mataas kumpara sa mga alokasyon para sa irigasyon (P31 bilyon), sa pagpapagawa ng bagong ospital, at pati na rin sa mga gastusin ng Department of Agriculture (P40.13 bilyon) at ng Department of Health (P24.57 bilyon).

Idinagdag pa niya na ang badyet para sa pagpigil ng baha ay mas malaki pa kaysa sa badyet ng ilang departamento, kabilang ang Department of National Defense (P232.2 bilyon) at ang Department of Social Welfare and Development (P209.9 bilyon).

Samantala, sinabi ni Poe na hindi tumutugma ang patuloy na pagbaha sa bansa sa tumataas na alokasyon sa flood control projects kada taon.

“With every downpour, our taxpayers are left shortchanged and wading through damaging and disease-carrying floods,” giit ni Poe.

Sinabi ni Poe na tila inanod ng baha ang bilyon-bilyong pondo para sa flood mitigation?

“Sa darating na budget deliberation, dadaan sa butas ng karayom ang flood control budget ng DPWH, MMDA at iba pang ahensiya,” tiyak ni Poe.

“We will also urge concerned agencies and local government units to ensure building and other infrastructure projects do not block waterways,” aniya pa.

Kasabay nito, muling iginiit ni Senador Alan Peter Cayetano ang paglikha ng Emergency Response Department (ERD) upang palakasin ang katatagan ng bansa laban sa lumalalang banta ng extreme weather events dulot ng climate change.

Ipinawanagan ito ng senador matapos ang walang tigil na pag-ulan na dala ng bagyong Carina noong Hulyo 24 na naminsala sa buong Luzon at nagdulot ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.

“We have to seriously address this ‘new normal’ of extreme weather in the country. Consider ‘Carina’ which is like a repeat of ‘Ondoy’ from 15 years ago -– the damage wrought has been so severe that the National Capital Region and neighboring provinces have had to declare a state of calamity,” wika ni Cayetano.

“We have to seriously consider establishing an Emergency Response Department or we’ll leave our kababayan defenseless in the face of climate change,” dagdag niya.

Binanggit din ni Cayetano ang iba pang mga kalamidad tulad ng biglaang phreatic eruption ng Bulkang Mayon simula noong Hulyo 18. Nananatili sa Alert level 1 ang bulkan.

Sa paghahain ng Senate Bill No. 66 o ang ERD Act, binanggit ni Cayetano ang 2021 World Risk Report kung saan ipinakita ang Pilipinas sa ika-walo sa 181 bansa sa usapin ng panganib sa kalamidad.

“Manila has also been ranked by the Climate Change Vulnerability Index (CCVI) as the most vulnerable of the world’s 20 ‘high growth cities’ to the effects of climate change,” saad sa explanatory bill ng panukala.

Sinabi ni Cayetano na panahon na para magkaroon ng “focused, single-minded, specialized department to upgrade the government’s capacity to respond to disasters in an effective and speedy manner.”

Kapag naisabatas, maglilikha ang ERD Act ng Humanitarian Emergency Assistance at Disaster Funding na may pondong P25 bilyon taon-taon. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here