MANILA, Philippines – Malugod na tinanggap ng ina ng isa sa mga estudyanteng napatay sa mass shooting sa San Jose National High School sa Tacloban City ang nakatakdang imbestigasyon ng Senado, sa pag-asang magbubunga ito ng mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan.
Sinabi ni Erbea Fabian, ina ng 15-anyos na si Chris Lorenz Fabian, nitong Martes na umaasa siyang makatutulong ang pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa Hulyo 1 upang mabunyag ang katotohanan sa likod ng insidente noong Hunyo 22.
“We welcome the Senate investigation to uncover the truth. Initially, we planned to attend, but we decided not to because we are still grieving,” ani Erbea.
Inilibing nitong Martes si Chris Lorenz, na kinilalang bayani matapos isakripisyo ang sariling buhay upang maprotektahan ang kanyang mga kaklase sa pamamaril, sa Superior Memorial Gardens sa Tacloban City.
Dinaluhan ng daan-daang kaklase, guro, kaanak, kaibigan, at mga miyembro ng Boy Scouts of the Philippines ang kanyang libing. Ang dalawa pang biktima ay nakatakdang ilibing sa Hulyo 1 at Hulyo 2. RNT