Home METRO Senior high ginahasa saka kinatay sa NegOc

Senior high ginahasa saka kinatay sa NegOc

BACOLOD CITY – Ginahasa at pinatay ang isang 17-anyos na dalagita sa Barangay Magsaysay, Cadiz City, Negros Occidental nitong weekend.

Itinago ng pulisya ang pangalan ng biktima, isang senior high school student.

Sinabi ni Police Lt Col John Joel Batusbatusan, hepe ng Cadiz police, huling nakitang buhay ang biktima dakong alas-7 ng gabi. noong Linggo, Enero 7.

Hinanap siya ng kanyang pamilya nang hindi siya umuwi nang gabing iyon. Nang sumunod na araw, natagpuan siyang patay ilang metro ang layo mula sa kanilang bahay bandang alas-7 ng umaga.

Sinabi ni Batusbatusan na tinaga ang kaliwang tenga ng biktima, nilaslas ang leeg, at tinadtad ang 10 daliri nito sa magkabilang kamay.

Narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen ang isang bolo.

Sinabi ni Batusbatusan na hinalay ang biktima base sa medico-legal examination.

Tinukoy ng pulisya ang isang 62-anyos na lalaki na kasama sa bahay ng biktima bilang suspek sa krimen.

“Hindi sila magkadugo, pero nakatira sila sa iisang bubong,” sabi ni Batusbatusan.

Sinabi ni Batusbatusan na ang suspek ay ama ng bagong manliligaw ng ina ng biktima. Aniya, hindi na natagpuan ang suspek matapos ang insidente. RNT

Previous articleWala akong ibinunyag na confidential info sa Marcos candidacy case – Guanzon
Next articleMag-ama pinagtataga ‘gang mapatay sa Quezon