Home NATIONWIDE Wala akong ibinunyag na confidential info sa Marcos candidacy case – Guanzon

Wala akong ibinunyag na confidential info sa Marcos candidacy case – Guanzon

MANILA, Philippines — Sinabi ni dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon nitong Lunes na hindi siya nagbunyag ng anomang kumpidensyal na impormasyon sa isang kaso sa halalan dahil idiniin niya na naniniwala siya sa integridad ng Office of the Ombudsman na nagsampa sa kanya.

Sa isang resolusyon, inakusahan ng Ombudsman na maagang ibinunyag ni Guanzon ang kumpidensyal na impormasyon sa dalawang panayam sa media noong 2022 noong siya ay namumunong komisyoner pa ng Comelec’s First Division, na humawak sa mga kaso ng disqualification laban kay dating presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Nag-ugat ang resolusyon sa reklamong inihain nina abogado Ferdinand Topacio at Diego Magpantay ng Citizen’s Crime Watch.

Sa kabilang banda, humihirit si Guanzon ng ‘fairness’ sa Ombudsman.

Sa panayam ng ABS-CBN News nitong Lunes, sinabi ni Guanzon na hindi pa niya natatanggap ang kopya ng resolusyon pero nakatakda siyang maghain ng Motion for Reconsideration.

“Hindi po ako nagnakaw sa gobyerno. Baka sabihin ng mga tao ito ay graft case. Hindi po, ito po ay kaso related sa disqualification case ni Bongbong Marcos noong siya ay kandidato pa lang,” ani Guanzon.

Iginiit din niya na hindi siya nagbubunyag ng anumang kumpidensyal na impormasyon dahil wala pang ponencia o mayoryang desisyon mula sa ponente na si Comelec Commissioner Aimee Ferolino.

Ang ponente ang nagsusulat ng mayoryang desisyon o resolusyon sa mga kaso.

“Sinasabi ni Topacio na inilabas ko daw ‘yung boto ko. Wala pa po kaming boto noon nung iniinterview ako,” giit ni Guanzon. “Wala naman po kaming boto pa. Wala nang internal deliberations dahil wala siyang ponencia.”

“Anong proceedings ang dinisclose ko eh. Wala namang internal deliberations?” tanong niya.

“Sinasabi nilang dinisclose ko yung boto ko, opinion ko ‘yun. Kasi kailangan ‘yun, it was a necessity, a matter of public interest and my duty.

Ayon kay Guanzon, may nagtangka umanong makialam sa mga kaso. RNT

Previous articleArmadong truck driver na nagpanggap na parak timbog sa Pasay
Next articleSenior high ginahasa saka kinatay sa NegOc