MANILA, Philippines – Arestado ng Pasay City police Substation 1 ang isang drayber ng trak na nagpanggap na pulis at nahulihan ng baril nitong Linggo ng gabi (Enero 7) sa lungsod.
Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames ang nadakip na suspek sa alyas lamang na Elmer, 38.
Base sa isinumiteng report ni Mayames sa Southern Police District (SPD), naganap ang pag-aresto sa suspect dakong alas 9:20 ng gabi sa Dominga St., Barangay 45, Pasay City.
Kasabay ng pagdakip kay Elmer ay ang pagkumpiska din ng Super .38 caliber revolver na kargado ng anim na bala na nakuha sa kanyang posesyon.
Ang pag-aresto sa suspek ay bunsod sa natanggap na impormasyon ng Pasay City police Substation 1 kay Barangay Tanod Erwin Liron na nagsabing may isang taong umaali-aligid sa kanilang barangay na nagpapakilang pulis at armado ng baril.
Sa isinagawang follow-up operation ay agad na rumesponde ang mga tauhan ng Substation 1 kung saan mabilis na naaresto ang suspect at pagkakakumpiska ng kanyang baril.
Sinabi din ni Mayames na pinatunayan din ng isang saksi na 19-taong-gulang na estudyante ang pagpapakilala ng suspect na siya ay isang pulis habang hawak ang kanyang bitbit na baril.
Agad namang dinala ang suspect sa custodial facility ng Pasay City police kung saan siya pansamantalang nakapiit at nahaharap sa kasong paglabag sa RPC Art. 177 (Usurpation of Authority) at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act). (James I. Catapusan)