Home METRO Senior na papuntang Vietnam naharang sa ‘anting-anting’ na bala

Senior na papuntang Vietnam naharang sa ‘anting-anting’ na bala

MANILA, Philippines- Nakatakdang magbigay ng kanilang panig ngayong araw ng Lunes ang pamunuan ng Office of Transportation Security ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) hinggil sa isyu ng akusasyon ng isang 69-anyos na babae na nakatakdang bumiyahe sa Vietnam kasama ang kanyang pamilya laban sa mga security personnel ng nasabing paliparan ng “tanim bala” o pagtatanim ng bala nang malapit na silang makasakay sa kanilang flight.

Nabatid sa OTS na isang press conference ang nakatakda sa Lunes, Marso 10, 2025, kasama si Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon.

Batay sa cellphone video footage na kuha noong Marso 6, 2025, ipinapakita na may tila hinahanap ang mga awtoridad sa kanilang bag sa pre-departure area ng NAIA kahit na dapat ay pasasakayin na sila sa kanilang flight.

Sa isang post sa social media na nag-viral, sinabi ng 69-anyos na si Ruth Adel na siya at ang kanyang pamilya ay muntik nang maiwan sa kanilang flight matapos i-claim ng NAIA security na mayroon silang x-ray image ng isang “anting-anting” o anyo ng isang basyo ng bala sa loob ng kanilang mga bagahe.

Gayunman, sa pisikal na inspeksyon sa nasabing bag ay walang nakitang basyo ng bala.

“Sobrang abala yung ginawa niyo!” ani Adel sa grupo ng NAIA security personnel na pumigil sa kanila.

Hiniling ng pamilya sa security ng NAIA na kung mayroon ngang basyo ng bala sa kanilang mga bagahe, ay dapat napigilan sila sa unang x-ray na naka-detect nito at hindi sa boarding gate.

Sa kalaunan, si Ruth at ang kanyang mga kasama ay nakasakay sa kanilang flight at nakarating sa kanilang destinasyon.

Gayunman, sinabi niya na ang insidente ay nagpapataas ng kanyang presyon ng dugo. JR Reyes