Home OPINION PAIYAKAN ANG PAGPAPAARAL (Part 1)

PAIYAKAN ANG PAGPAPAARAL (Part 1)

ALAM ba ninyo kung saan-saan tiyak masusukat ang kahirapan sa Pilipinas?

Aba, hindi kailangan na pumasok ka sa mga bahay at magtanong kung mahirap o hindi ang mga pamilya roon.

Pumunta ka sa pablik iskul at doon mo malalaman ang malaking katotohanan ukol sa napakalawak na anyo ng kahirapan, lalo na ang labis na kakulangan o kawalan ng panggastos sa mga bata.

Mula kinder hanggang senior high school ‘yan, mga brad.

Dahil nga sa kahirapan at patakarang libre ang eskwela sa pablik iskul na sakop ng Department of Education at Commission on Higher Education, may patakaran na “No Collection Policy”.

Ibinabatay ang policy o patakaran na ‘yan sa Republic Act (RA) No. 4206 na inamyendahan ng RA 5546 na nag-uutos na walang pinapayagang magbenta ng tiket at/o mangolekta ng anomang anyo ng kontribusyon para sa anomang proyekto o layunin, boluntaryo man o hindi, mula sa mga bata, mag-aaral at guro sa pampubliko o pribadong eskwela, kolehiyo at unibersidad.

Gayunman, hindi sakop ng pagbabawal ang bayad sa pagiging miyembro ng red cross, Boy Scout of the Philippines at Girl Scout of the Philippines at pagkontribusyon ng mga magulang at donor sa mga barrio high school.

Pero marami ang lumalabag dito, sa totoo lang.

Kabilang sa mga sitwasyon na roon may paglabag ang init ng panahon.

Sa mga pablik iskul,‘yang pagbili ng bentilador na minimum na dalawa bawat kwarto ang taunang may singil na kontribusyon.

Lalo ngayong napakainit ang panahon na kailangan ang pampalamig sa nakararaming pablik iskul na walang aircon.

Karaniwang P50 ang kontribusyon para makabili ng dalawang bentilador.

Pero maraming magulang o bata ang ayaw magkontribusyon dahil wala talagang maibigay, lalo na ang mga may dalawa, tatlo o apat na anak na sabay-sabay na pumapasok na isang tuka sa 10 kahig ang ikinabubuhay.

Kapag pinagsama-sama kasi ang kontribusyon, daan-daang piso pala ang kailangang dukutin sa butas na bulsa kung sabay-sabay na papasok ang mga anak. (ITUTULOY)