
KAMAKALAWA lang, may pinatay na pulis ng isang sangkot sa droga sa Bocaue, Bulacan.
Kinilala ni P/Col. Satur Ediong, Bulacan police director, ang mga nasawi na sina S/Sgts. Dennis Cudiamat at Gian George dela Cruz, kapwa nakatalaga sa Bocaue police, Bulacan.
Sa ulat, nagsasagawa ng operasyon laban sa droga sina Cudiamat at Dela Cruz sa Sitio Tugatog, Brgy. Tambubong, Bocaue nang maengkwentro nila ang isang taong iba ang ikinikilos.
Hindi nila alam na may hawak na baril ang suspek na bumunot ng baril nang makita sila at pinaputukan agad si Dela Cruz na natamaan.
Hinabol ni Cudiamat ang suspek ngunit pinaputukan din siya sa ulo at agad siyang namatay sa lugar.
Namatay naman si Dela Cruz sa Yanga Hospital, Bocaue makaraan.
ASINTADO ANG SUSPEK
Lumilitaw, mga Bro, na asintado ang suspek, sanay sa paghawak ng baril.
Sino ba ito?
Dapat palalimin nang husto ng pulisya ang imbestigasyon lalo’t malinaw na mapanganib ito, hindi lang sa mga pulis kundi sa mga mamamayan.
Kung isang ordinaryong tulak o adik ito, karaniwang teka-teka ang gamit na baril at pumapalya sa pakikipaglaban.
Pero marunong at magaling na tumakas at umiwas, at sumasabay sa mga pulis sa galing sa pakikipagbarilan at sa katunayan natalo pa ang mga pulis dito.
Saan nakakuha ng maayos na baril at saan nagsasanay ito at gayun na lang kung bumaril sa iba?
Ang tiyak, hindi ordinaryong adik at tulak ito at mapanganib sa lahat na humahadlang sa kanya sa paggawa ng krimen.
Dapat na masakote agad ito, hindi lang para mapanagot ito sa ginawang krimen kundi para mabawasan ang katulad niyang tila mas magaling pa sa mga pulis sa paggamit ng armas sa paggawa ng krimen.
MGA PATAY NA PULIS SA DROGA
Hindi malinaw sa ulat ni PNP chief General Rommel Marbil kung saan nauugnay ang kamatayan ng 16 pulis at ikinasugat ng 40 iba pa mula Enero 1 hanggang Hulyo noong 2024.
Ilan ba ang namatay sa kamay ng mga sangkot sa droga?
Tinatanong natin ito para maging epektibo ang pakikipagtulungan ng mga mamamayan sa mga pulis laban sa krimen, lalo na sa droga.
Pero sa isang iniulat ng isang Peter Kreuzer, isang dayuhang manunulat at kabilang ang Pilipinas sa sinusubaybayan nito, may 60 umanong namatay at 92 ang nasugatan sa pakikipaglaban sa droga.
Nais nating malaman ang katotohanan dito mula mismo sa mga awtoridad.
Kung totoo ito, hindi biro-biro ang rekord na ‘yan at hindi dapat mangyari.
Kung nabubuhay ang mga sangkot sa droga, hinuhuli at ibinibilanggo lang sila at ang mga pulis ang namamatay, napakasamang balita ‘yan.
Ang mga pulis, pinakikinabangan nang todo ng mga mamamayan sa gawain nilang pagpoprotekta at pagsisilbi sa mga mamamayan at nagpapanatili ng mapayapa at maayos na pamayanan sa lahat ng oras at araw.
Ang mga sangkot sa droga, mapanira hindi lang sa anyo ng pagnanakaw, pandurukot, panghoholdap, pag-aakyat bahay at rape kundi mismo sa buhay ng sinoman.
Kahit sinong tanungin mo, hindi baleng madisgrasya ang sangkot sa droga kaysa ang mga pulis.
Walang puwang ang maximum restraint sa mga sangkot sa droga, lalo na kung armado sila.