MANILA, Philippines – Sugatan ang isang senior citizen nang magtamo ng first-degree burn sa kamay sa naganap na sunog sa isang residential area sa Tondo, Maynila, Miyerkules ng gabi.
Nagsimula ang sunog ganap na alas-7:40 ng gabi sa isang bahay sa Sevilla Street, Brgy. 121, Tondo.
Sa imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng two-storey residential house na agad na itinaas sa unang alarma dakong alas-7:58 ng gabi.
Dahil sa bilis at paglaki ng apoy, ilang minuto lamang ay itinaas naman ang alarma sa ikatlong alarma bandang alas-8:05 ng gabi.
Kanya-kanyang hakot ng gamit ang mga residente, kung saan nasa 30 pamilya ang apektado sa sunog at nawalan ng tirahan.
Idineklara namang fire out ang sunog alas-9:49 ng gabi ni FS/Insp. Sonny Lapuyan, chief ng Investigation and Arson Section.
Patuloy pang iniimbestigahan ng BFP at mga awtoridad ang sanhi ng sunog. Jocelyn Tabangcura-Domenden