Home HOME BANNER STORY Service contracting program sa EDSA Bus Carousel, umarangkada na

Service contracting program sa EDSA Bus Carousel, umarangkada na

121
0

MANILA, Philippines — Sinimulan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagpapatupad ng Service Contracting Program (SCP) para sa EDSA Bus Carousel, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tiyakin ang sustainability ng land-based public transportation.

Sa ilalim ng gabay ni Department of Transportation Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, nagsagawa ang LTFRB ng monitoring at real-time response adjustment kasabay ng pagsisimula ng programa noong Miyerkules, Abril 15.

Personal na ininspeksyon ni LTFRB Chairman Vigor D. Mendoza II ang unang araw ng implementasyon sa EDSA Carousel Station sa GMA-Kamuning kasabay ng rush hour sa Metro Manila.

“Umpisa pa lang ito at mas marami pa ang programang ito hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng bansa, partikular sa mga urban area na may malaking bulto ng commuters,” ani Chairman Vigor.

Ayon sa kanya, bahagi ang programa ng mas malawak na pakete ng tulong na ipinangako ni Pangulong Marcos para sa mga commuter at sektor ng transportasyon sa gitna ng mga hamong dulot ng sitwasyon sa Middle East.

“Ang pagpapatupad ng programang ito ay isa lamang sa maraming pakete ng tulong na ipinangako ni Pangulong Marcos upang matulungan ang mga commuters at ang sektor ng transportasyon sa mapanghamong panahong ito bilang resulta ng sitwasyon sa Middle East,” dagdag niya.

Sa isinagawang inspeksyon, pinaalalahanan ni Mendoza ang mga bus driver hinggil sa rules and regulations ng service contracting program, partikular ang mandatory six trips para sa EDSA Bus Carousel.

Ipinaalam din niya sa mga pasahero ang kanilang mga karapatan at pribilehiyo, kabilang ang 20 porsiyentong diskwento sa pamasahe sa buong araw, bukod pa sa mandatory discounts para sa senior citizens, persons with disability (PWD), at mga estudyante.

Bukod sa EDSA Bus Carousel, saklaw din ng service contracting program ang mga in-city bus sa Metro Manila at iba pang pangunahing urban area, mga UV Express, at mga pampasaherong jeepney na may rutang dumaraan, papunta, o mula sa mass transportation system.

Sakop ng programa ang mga biyahe tuwing umagang rush hour mula 5:00 a.m. hanggang 10:00 a.m. at hapon hanggang gabing rush hour mula 4:00 p.m. hanggang 9:00 p.m.

“Ang aplikasyon para sa service contracting ay patuloy at, sa katunayan, ginawa namin ang buong proseso na simple at komportable sa pamamagitan ng pagbubukas ng isang online platform partikular para sa layuning ito,” sabi ni Chairman Vigor. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here