Home METRO Senior timbog sa droga sa QC; shabu ginagamit pangpalakas

Senior timbog sa droga sa QC; shabu ginagamit pangpalakas

MANILA, Philippines – SWAK sa kulungan ang isang senior citizen at isa pa makaraan mahulihan ng iligal na droga sa anti-criminality operation ng mga pulis sa Brgy. Unang Sigaw, Quezon City kaninang madaling araw, Enero 5.

Kinilala ni PLTCOL Morgan B. Aguilar hepe ng Quezon City Police District Station 3 Talipapa ang mga nadakip na sina Jonathan Ren, 30, binata, jobless, residente ng Gana Compound, Brgy. Unang Sigaw, QC; at Amador Gestule, 72, may-asawa, porter sa palengke, at residente ng Cloverleaf Market, Brgy. Balingasa, QC.

Ayon kay PCpl. Neil Christian Cyrus Fresco investigator, nadakip ang mga suspek sa Simon Compound, Brgy. Unang Sigaw, QC dakong 1:30 ng umaga.

Sinabi ni Fresco na nagsasagawa ng anti-criminality operation ang mga tauhan ng QCPD station 3 Talipapa sa pangunguna nina PCpl. Pagulayan at PCpl. Cagulao sa naturang lugar ng ma-ispatan ng mga pulis ang dalawa na nakatayo sa lugar habang hawak ang isang maliit na plastic sachet ng hinihinalang iligal na droga.

Agad sinita ng mga pulis ang dalawa at nakuha sa kanilang pag-iingat ang dalawang piraso ng sachet plastic ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P3,400.00.

Kaugnay nito hindi naman itinanggi ng senior citizen na si Gestule ang nakuhang iligal na droga sa kanya at sinabi nito na ginagamit lamang niya ang iligal na droga bilang pangpalakas ng katawan lalo na sa tuwing nagbubuhat siya ng gulay at prusta sa palengke.

Kasalukuyan naman nakapiit sa naturang himpilan ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Danerous Drugs Act of 2002. Santi Celario