MANILA, Philippines – Nagdaos ng kilos-protesta ang grupo ng mga senior citizen laban sa korapsyon sa Quezon City.
Tinawag ito ng grupo bilang “Seniors Kontra Kurakot.”
Ayon kay Candy Yuzon ng Seniors on the Move, ito ang kanilang paraan upang ipanawagan ang pagpapabilis sa pagpapakulong sa mga kurakot.
“Ang gusto natin, panagutin yung mga nangurakot sa bayan. Kami, matatanda na kami. Dapat wala na kami sa ganitong pakikibaka. Pero paano naman kami? Ano ipamamanan namin sa aming mga anak at aming mga apo? Isang bulok na sistema kung saan normal ang pangungurakot,” ani Yuzon.
Idinagdag pa niya na ang mga senior katulad niya ay hindi dapat manatili lang sa bahay kundi makibahagi sa panawagan laban sa korapsyon.
“Kasi, paano naman kaming matutulog kung alam namin may problema ang bayan natin? Paano naman kaming, diba, dapat mga seniors na kami, enjoy lang namin ang buhay namin, diba? Yun ang normal. Umasa na lang kami sa pensyon o kaya maghintay na lang kami lagi ng ayuda mula sa gobyerno,” dagdag pa nito.
Karamihan sa mga miyembro ng grupo ay mga retirees, at dating overseas Filipino worker. RNT/JGC