Home HOME BANNER STORY Seniors na sasampa sa edad 80, 85, 90, o 95 ngayong taon...

Seniors na sasampa sa edad 80, 85, 90, o 95 ngayong taon makatatanggap ng P10K cash gift

MANILA, Philippines – Sinabi ni National Commission of Senior Citizens (NCSC) Chairperson Franklin Quijano na ang P10,000 cash na regalo sa ilalim ng pinalawak na saklaw ng Centenarians Act ay matatanggap na ng mga magiging 80, 85, 90, o 95 taong gulang sa pagitan ng Enero 1 at Dis. 31, 2024.

Matatandaang pinalalawak ng Republic Act (RA) 11982 ang saklaw ng RA 10868, o ang Centenarians Act of 2016, upang isama ang lahat ng Pilipino, naninirahan man sa Pilipinas o sa ibang bansa upang maging tatanggap ng isang beses na cash na regalo na nagkakahalaga ng P10,000 kapag naabot ang edad na 80 at bawat limang taon pagkatapos noon, o hanggang sa edad na 95.

Ang batas ay nilagdaan ni Pangulong Marcos noong Pebrero 26.

“Kung sa taong ito ay magiging 80, 85, 90, o 95 years old sila, makakatanggap sila [ng P10,000 cash gift],” ani Quijano sa isang briefing.

“Kung hindi man maibigay kaagad ang pera dahil may delay ng [pag-release] ang DBM or may delay ng guidelines, magiging retroactive ito,” dagdag pa niya.

Paliwanag ni Quijano dahil magkakabisa lamang ang batas sa 2024, binanggit niya bilang halimbawa na ang isang taong 85 taong gulang noong nakaraang taon at magiging 86 taong gulang ngayong taon ay hindi magiging karapat-dapat sa P10,000 cash incentive.

Gayunpaman, sila ay magiging karapat-dapat para sa cash na regalo kapag umabot sila sa edad na 90, at bawat limang taon pagkatapos nito.

Sinabi ni Quijano na ang RA 11982, na nagbibigay ng mga benepisyo sa mga Filipino octogenarians at nonagenarians, ay hindi nangangailangan ng paglikha ng mga implementing rules and regulations o IRR.

Ang binagong batas ay nagbibigay lamang ng cash na regalo na P100,000 sa mga 100 taong gulang.

“In a month [we will be able to finish the guidelines], with the participation of all kasi tinatawag din natin ang suporta ng lahat ng ahensiya ng pamahalaan. Magagawa nating maging handa sa guidelines,” ani Quijano.

Idinagdag pa ng NCSC chairperson na ang cash reward ay isang paraan para ma-motivate ang mga nakatatanda na mabuhay nang mas matagal. RNT

Previous articleConvenience store cashier huli sa P2.7M droga
Next articleTaunang libreng medical checkup sa lahat ng Pinoy pinasasabatas sa Kamara