Home NATIONWIDE Separation pay ng viral dismissed cop, babawiin ng Senado

Separation pay ng viral dismissed cop, babawiin ng Senado

MANILA, Philippines- Tiniyak ni Senador Francis Tolentino na nakatakdang bawiin ang separation pay na naibigay sa dating pulis na sangkot sa viral video sa social media na nanutok ng baril sa isang siklista sa Quezon City kamakailan.

Sinabi ni Tolentino na matagal nang inatasan ng Philippine National Police si  Wilfredo Gonzales, na ibalik ang kanyang nakuhang separation pay ngunit hanggang ngayon, nabigo ang pamahalaan sa pagbawi.

Binabawi ng PNP ang kanyang separation pay dahil nasibak si Gonzales sa serbisyo.

“May mga kaso na pala ito dati eh. Itong si Gonzales at di lang nabubuksan pa,” ayon kay Tolentino.

“Pinasasauli sa kanya ang natatanggap na separation pay. Pinasasauli po iyan ng PNP,” aniya pa.

Pero hanggang ngayon, ayon kay Tolentino, hindi ibinabalik ng Gonzales ang separation benefits nito.

“Hanggang ngayon ay di pa nasasauli iyan ah. Kasi po noong na-order siyang na-dismiss, natanggap na po niya. Naka-retire na. Ngayong na-dismiss, pinasasauli, pero di pa niya nasasauli,” paliwanag ng mambabatas.

Hindi binanggit ng senador kung magkano ang dapat ibalik ni Gonzales sa PNP, sa pagsasabing hindi mahalaga ito bagkus makikita ang ugali nito sa pagbalewala sa kautusan ng pulisya.

Idinagdag pa ni Tolentino na kanyang aalalamin sa Martes, Sept. 5, 2023, kung bakit nakapagretiro si Gonzales kahit na-dismiss na ito sa serbisyo.

Nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sa pamumuno ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa hinggil sa viral road rage issue sa Martes, September 5.

“Malalaman natin yan sa Martes iyan,” ani Tolentino. Ernie Reyes