MANILA, Philippines – Naging mapayapa sa pangkalahatan ang kilos-protesta noong Setyembre 21 kasabay ng ika-54 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law, ayon sa Manila Police District (MPD).
Pinabulaanan ni MPD Director Brig. Gen. Arnold Santiago ang kumakalat sa social media na dalawa umano ang nasawi malapit sa Malakanyang.
Ayon kay Santiago, sinunod ng mga raliyista ang napagkasunduan ng pulisya at ng rally leaders.
Pauwi na aniya ang mga raliyista nang i-escort sila ng pulisya palabas ng Maynila patungo sa kani-kanilang destinasyon.
Nilinaw din ni Santiago ang maikling komosyon — nang sitahin ng pulis ang isang raliyistang nag-spray paint sa concrete barrier.
“Gusto lang naming kausapin sana yung nag-spray paint. So nung kinuha namin, medyo nagkagulo kaunti, pero pinagbigyan na namin na huwag na lang maulit,” paliwanag niya.
Nanawagan si Santiago na panatilihing mapayapa ang pagpapahayag ng hinaing:
“Gawin nating mapayapa, walang sakitan, walang masisirang gamit ng gobyerno at pampublikong pag-aari. Huwag tayong mag-vandalize.”
Mariin ding pinabulaanan ng MPD at NCRPO ang fake news na may namatay sa rally. Ayon sa NCRPO, walang nasawi o nasaktan base sa real-time monitoring.
“There was a brief moment of tension, but the situation was quickly resolved through dialogue and the strict observance of maximum tolerance. Overall, the rally remained peaceful and orderly,” pahayag ng NCRPO.
Hinikayat ng pulisya ang publiko na beripikahin muna ang impormasyon sa awtoridad bago mag-share online. Jocelyn Tabangcura-Domenden