MANILA, Philippines – ARESTADO ang isang service crew makaraang mahulihan ng hinihinalang shabu matapos sitahin sa hindi pagsusuot ng helmet sa police checkpoint sa Brgy. Apolonio Samson, Quezon City nitong madaling araw ng Miyerkules, Hulyo 31.
Sa ulat ng pulisya, kinilala ang nadakip na suspek na si Garry Abriza, 36, binata, tubong Quezon province at residente ng 69-E Barangay San Antonio, QC.
Ayon kay PSSg Raymond Fallarme, investigator ng Quezon City Police District station 1 – Laloma, nadakip ang suspek sa kahabaan ng Kaingin Road corner Old Samson Road, Brgy. Apolonio Samson, QC dakong 1:40 ng umaga.
Sinabi ni Fallarme na nagsasagawa ng anti-criminality police checkpoint ang mga tauhan ng QCPD Laloma station 1 sa Kaingin Road corner Old Samson Road nang sitahin nila Pat. Emil Juarez at Pat. Bryan Soriano ang suspek dahil sa walang suot na helmet habang sakay ng isang kulay gray na Honda Click na walang plaka.
Agad bineripika ng mga pulis ang dokumento ng minamanehong motorsiklo ng suspek at hiningi ang drivers license nito.
Subalit habang tinatanong ng mga pulis ang suspek, naging balisa ito at mahigpit na hinawakan ang kanyang dalang bag.
Dito na nagduda ang mga pulis at ininspeksyon ang bag ng suspek at nakuha sa kanyang pag-iingat ang isang maliit na sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Agad dinakip ang suspek at nakumpiska ang hinihinalang shabu na may timbang na 0.15 gramo na nagkakahalaga g P1,020.00.
Kasalukuyan ngayon nakapiit ang suspek sa naturang himpilan ng pulisya at nahaharap sa kasong paglabag sa illegal drugs o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Santi Celario