MANILA, Philippines – Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbibigay ng Service Recognition Incentive (SRI) sa mga empleyado ng gobyerno para sa 2025 bilang pagkilala sa kanilang patuloy na pagsisikap, katapatan, at ambag sa pagtamo ng mga layunin ng pambansang kaunlaran at sa sosyo-ekonomikong adyenda ng administrasyon.
Sa ilaliim ng Administrative Order No. 40 na may petsang Disyembre 11, nagbigay ang Pangulong Marcos ng isang beses na SRI na hanggang PhP20,000 sa mga kawani ng sangay Ehekutibo, kabilang ang mga sibilyang empleyado ng mga ahensya ng national government, state universities and colleges (SUCs), at government-owned or -controlled corporations (GOCCs), maging sila man ay regular, kontraktuwal, o casual na empleyado.
Kasama rin sa kautusan ang mga personnel ng Armed Forces of the Philippines sa ilalim ng Department of National Defense, at mga uniformed personnel ng Philippine National Police, Philippine Public Safety College, Bureau of Fire Protection, at Bureau of Jail Management and Penology sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government.
Kabilang din ang uniformed personnel ng Bureau of Corrections sa ilalim ng Department of Justice, Philippine Coast Guard sa ilalim ng Department of Transportation, at National Mapping and Resource Information Authority sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources.
Ang pagbibigay ng SRI sa lahat ng kwalipikadong kawani ng gobyerno ay magsisimula sa Disyembre 15.
Ayon sa AO No. 40, “The Administration recognizes all government employees for their collective and invaluable contributions to the government’s continuing efforts in pursuing the objectives, commitments, targets, and deliverables under the Philippine Development Plan 2023-2028 and the President’s 8-Point Socioeconomic Agenda (
Kinikilala ng Administrasyon ang lahat ng empleyado ng gobyerno para sa kanilang kolektibo at napakahalagang kontribusyon sa patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na makamit ang mga layunin, pangako, target, at deliverables sa ilalim ng Philippine Development Plan 2023–2028 at ng 8-Point Socioeconomic Agenda ng Pangulo).”
Para sa mga ahensya ng national government, kabilang ang SUCs at mga military at uniformed personnel, manggagaling ang insentibo sa kanilang available na 2025 Personnel Services (PS) budget sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act.
Kung hindi ito sapat, maaari nilang gamitin ang kanilang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) alinsunod sa mga patakaran sa badyet.
Para sa GOCCs, ang SRI ay kukunin mula sa kanilang approved 2025 corporate operating budgets.
Ang mga empleyado ng Senado, Mababang Kapulungan, Hudikatura, Office of the Ombudsman, at iba pang mga constitutional office na may fiscal autonomy ay maaari ring makatanggap ng isang beses na SRI na hanggang PhP20,000, depende sa kanilang available na PS budget.
Para sa mga lokal na pamahalaan (LGUs), kabilang ang barangay, ang pagpapalabas at halaga ng SRI na hindi lalampas sa PhP20,000 ay dedesisyunan ng kani-kanilang sanggunian batay sa kanilang kakayahang pinansyal at sa personnel services limits sa ilalim ng Local Government Code.
Ang mga empleyado ng Local Water Districts (LWDs) ay maaari ring makatanggap ng SRI sa iisang rate na hanggang PhP20,000, na itatakda ng Board of Directors, at kukunin mula sa kani-kanilang corporate operating budgets para sa 2025.
Kung kulang ang pondo ng isang ahensya, makatatanggap pa rin ng SRI ang kanilang mga kwalipikadong empleyado ngunit sa mas mababa ngunit pantay-pantay na halaga.
Kwalipikadong makatanggap ng SRI ang mga kawani na nasa regular, kontraktuwal, o casual na posisyon, nananatili sa serbisyo ng gobyerno hanggang Nobyembre 30, 2025 at nakaglipangkod nang hindi bababa sa apat na buwan hanggang Nobyembre 30, 2025.
Ang mga kwalipikadong empleyadong nakapaglingkod nang mas mababa sa apat na buwan hanggang Nobyembre 30, 2025 ay makatatanggap ng pro-rated SRI.
Samantala hindi dapat makatanggap ang mga empleyado ng anumang karagdagang year-end benefit sa Fiscal Year 2025 bukod pa sa mga benepisyong pinahihintulutan sa ilalim ng Republic Act 6686, na inamyendahan ng RA No. 8441, upang maging karapat-dapat sa SRI. Kris Jose