MANILA, Philippines – Nagtakda ng public consultations ang apat na Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB) ngayong buwan para pag-usapan ang posibleng adjustments sa mga sahod ng minimum wage earners at domestic helpers.
Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma nitong Biyernes, Agosto 9, magsasagawa ng konsultasyon sa mga stakeholder sa Regions II (Cagayan Valley), III (Central Luzon), VII (Central Visayas) at XII (Soccsksargen).
“Nagpasimula na sila ng proseso sa kasalukuyang buwan,” ani Laguesma.
Nitong Agosto 8, nagsagawa na ng public consultation ang RTWPB-Calabarzon sa Dasmariñas City, Cavite.
Ang huling wage adjustment sa rehiyon ay ipinatupad noong Setyembre 24, 2023.
Ani Laguesma, mas marami pang public consultation ang isasagawa mula Setyembre hanggang Enero 2025.
Magsisimula na rin ng pagsusuri sa Setyembre ang Regions I (Ilocos Region), VI (Western Visayas) at IX (Zamboanga Peninsula).
Sa Oktubre naman ang target ng Cordillera Automomous Region, Mimaropa, Bicol at Eastern Visayas.
Habang ang public consultations para sa Northern Mindanao at Caraga ay sa Nobyembre habang sa Enero 2025 naman ang sa Davao Region. RNT/JGC