MANILA, Philippines – Susuriin ng Department of Education (DepEd) ang umiiral na programa sa comprehensive sexuality education (CSE), maging sa mga rules at guidelines nito, kasunod ng mga pangamba ng ilang conservative personalities at mga grupo sa nilalaman nitong probisyon na magtuturo ng mga hindi kanais-nais na aktibidad sa mga bata.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ito ang kanilang sunod na hakbang kasabay ng palitan ng pahayag nina Senador Risa Hontiveros at dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno, chairperson ng Public Policy Review Commission, isa sa mga grupong nababahala sa CSE.
Inihain ni Hontiveros ang Senate Bill No. 1979, o ang adolescent pregnancy prevention bill.
Kasama sa mga bersyon ng Senado at Kamara ang CSE, na sinabi ni Sereno na naglalaman umano ng probisyon tungkol sa “early childhood masturbation.”
Kinontra naman ni Hontiveros ang pahayag na ito at sinabing walang ‘specific term’ na nagtuturo sa mga bata tungkol sa masturbation.
Samantala, sinuportahan naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naturang panukala at ipinunto ang kahalagahan ng pagtuturo sa mga kabataan tungkol sa banta, epekto at pagsubok na dala ng early pregnancy.
Para kay Angara, nagpapatuloy na ang pagsusuri sa mga kasalukuyang programa nila sa CSE.
“We are just reviewing the existing CSE program and current department guidelines and rules to ensure they are indeed age-appropriate and compliant with existing laws,” ani Angara.
Kinilala niya naman ang mga pahayag ng iba’t ibang grupo at sinabing hindi siya naghain ng anumang bersyon noong siya ay senador pa. RNT/JGC