NOONG Dekada 80, sikat na sikat ang Japanese character sa television series na Shaider-Pulis Pangkalawakan dahil sa ginawang pagtatanggol sa naaapi at paglaban sa lahat ng uri ng kriminal.
Ngayong 2024, sa District 1 ng Tondo na sakop ng Raxabago Police Station ng Manila Police District nakikilala ang modernong “Shaider” pero hindi katulad ng character noon na iniidolo dahil ngayon ay halos isumpa na raw ng sidewalk vendors at maging mga negosyante.
Bulong ng mga umiiyak na vendors at ng mga nagpapatakbo ng illegal vices, dinoble ng pulis pangkalawakang ito ang lingguhang tara na kinokolekta sa kanila at kapag nabigong sumunod ay huhulihin at hindi na sila papayagang makapaghanapbuhay.
Sinasangkalan umano ni Shaider ang kanyang Bossing na si alyas Kap. Biola na nag-uutos sa kanya na lakihan ang koleksyon kung gusto pang manatili bilang enkargado.
Ganun? Payo natin ka alyas Shaider, kung hindi mo matiis ang init, lumabas ka sa kusina. Iwanan mo si Bossing Biola mo.
Ayon sa ating impormante, iisa lang daw ang likaw ng bituka ng mag-amo dahil si Biola, kilala rin bilang pangunahing karakter naman sa box office hit na pelikula nina Sylvester Stallone at Wesley Snipes na “Demolition Man”.
Sa naturang pelikula, mabuting pulis din ang papel ni Stallone pero kabaligtaran naman ito sa bersiyon ng Demolition Man ng Raxabago Police Station dahil ang ginigiba pala ni Kap sa kanilang hepe ay kapwa niya rin opisyal.
Maging ang klasmeyt nitong si Demolition man ay hindi pinatawad at ginigiba rin kapag natunugan na banta sa kanyang posisyon kaya ayun, kinaiinisan at galit din sa kanya ang mga ginigiba niyang opisyal.
Teka nga pala, bukod daw sa regular na lingguhang tara, aba’y humirit pa pala ang mag-amo sa vendors, mga negosyante, at illegal vices ng pandagdag na pondo para sa idinaos nilang Christmas Party noong Disyembre 17.
Dahil kaya rito kaya dumami ang iligal na sugal sa Tondo tulad ng cara y cruz sa burol ng patay, tupada, jolen,tupada at bookies ng karera ni Tata Paknoy na mahigpit na ipinagbabawal ni Manila Mayor Honey Lacuna?
Alam kaya ni MPD Station 1 Commander PLtCol Melvin Florida ang nangyayaring “gibaan” sa hanay ng kanyang mga opisyal?
Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.