Home NATIONWIDE Shear line, amihan magpapaulan sa Luzon

Shear line, amihan magpapaulan sa Luzon

Iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na maaapektuhan ng shear line ang silangang bahagi ng Southern Luzon at Visayas, habang ang Amihan ay nananatili sa Metro Manila at natitirang bahagi ng Luzon.

Magiging maulap na may kalat-kalat na ulan at panaka-nakang pagkulog sa Bicol Region at Eastern Visayas dulot ng shear line. Samantala, ang easterlies ang magdadala ng parehong lagay ng panahon sa Dinagat Islands, Surigao del Norte, at Surigao del Sur.

Maulap na kalangitan na may bahagyang pag-ulan ang inaasahan sa Metro Manila, Cagayan Valley, Aurora, Quezon, at iba pang bahagi ng Luzon dahil sa amihan. Ang iba pang bahagi ng bansa ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang pag-ulan at pagkulog dulot ng easterlies.

Sa ulat ng PAGASA noong alas-2 ng madaling araw, walang binabantayang low-pressure area na maaaring maging bagyo. Ang araw ay sisikat sa ganap na 6:25 a.m., at lulubog sa 5:50 p.m. RNT