MANILA – Binati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Donald Trump sa kanyang panunumpa bilang ika-47 na Pangulo ng Estados Unidos, at binigyang-diin ang kahalagahan ng matibay na alyansa ng Pilipinas at Amerika sa pagpapanatili ng katatagan sa rehiyon.
“Congratulations to POTUS @realdonaldtrump and to the American people on another peaceful transfer of power in their Nation’s nearly 250-year history. I look forward to working closely with you and your Administration,” ani Marcos sa kanyang post sa social media noong Martes.
Sinabi ni Marcos na ang matagal nang ugnayan ng Pilipinas at Amerika ay mahalaga para sa parehong layunin ng seguridad at kaunlaran sa rehiyon.
“The strong and lasting PH-US alliance will continue to uphold our shared vision of prosperity and security in the region,” dagdag niya.
Sa kabila ng hamon tulad ng tensyon sa South China Sea at mga isyung panseguridad sa Indo-Pacific, nananatiling matatag ang kooperasyon ng Pilipinas at Amerika sa larangan ng militar, ekonomiya, at diplomasya.
Nanumpa si Trump bilang pangulo matapos ang kanyang tagumpay sa halalan noong Nobyembre 2024. RNT