MANILA, Philippines – Magpapatuloy ang pag-ulan sa ilang bahagi ng Southern Luzon at Visayas sa unang Lunes ng 2026 dahil sa shear line, ayon sa Pagasa.
Posibleng umabot sa 50 hanggang 100 millimeters ang ulan sa Bicol Region, partikular sa Albay, Sorsogon, Masbate, Catanduanes, at Camarines Sur.
“This is because we can see that tomorrow it is possible for the shear line axis to shift higher or for the thicker cloud mass it brings to become more concentrated over the southern part of the Bicol Region,” ayon kay Pagasa weather specialist Grace Castañeda.
Apektado rin ng shear line ang Romblon, Palawan, at buong Visayas, lalo na ang Eastern Visayas na inaasahang makararanas ng katamtaman hanggang malakas na ulan.
Dahil naman sa northeast monsoon o amihan, makakaranas ng makulimlim na kalangitan at mahina hanggang katamtamang ulan ang Cagayan, Isabela, Aurora, Quezon, Marinduque, Oriental Mindoro, at ilang bahagi ng Batangas at Laguna.
Bahagyang maulap na may mahihinang pag-ulan din ang inaasahan sa Batanes, Ilocos Region, CAR, Central Luzon, Calabarzon, at Metro Manila.
Sa Mindanao, magdadala ang easterlies ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may posibilidad ng ulan at thunderstorms sa hapon at gabi.
Wala namang binabantayang low-pressure area o bagyo sa loob at labas ng Philippine area of responsibility. RNT/MND