Home HOME BANNER STORY Sheila Guo, Cassandra Li Ong nahaharap sa criminal complaints – DOJ

Sheila Guo, Cassandra Li Ong nahaharap sa criminal complaints – DOJ

MANILA, Philippines – Nahaharap sa mga reklamong criminal ang mga kasamahan ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo matapos ang mga ito na madala sa kustodiya sa Indonesia at pinabalik dito sa Pilipinas, ayon kay Department of Justice spokesman Atty. Mico Clavano nitong Huwebes, Agosto 22.

Sa ulat, ihahain ang mga reklamo sa paglabag sa Immigration Law laban kay Sheila Guo, ang kapatid ng tinanggal na alkalde.

Ani Clavano, may ilan ding reklamong ihahain laban kay Cassandra Li Ong, ang authorized representative ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na ni-raid sa Porac, Pampanga.

Kabilang sa mga reklamo ay ang obstruction of justice at paglabag sa Passport Act.

Si Guo at Ong ay lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong hapon ng Huwebes matapos na maharang sa Batam, Indonesia.

Sinabi ni Clavano, unang dadalhin ang mga ito sa Bureau of Immigration (BI) bago i-turn over sa National Bureau of Investigation (NBI).

Nakatakdang sumailalim ang dalawa sa medical examination at inquest sa BI main office.

Ayon pa kay Clavano, mananatiling nasa kustodiya ng BI si Guo habang si Ong ay ituturn-over sa NBI.

Sasailalim sa inquest proceedings si Ong ngayong weekend.

Nag-uugnayan na ang DOJ, NBI, Philippine National Police, Sergeant-at-Arms ng Senado, at Kamara para sa kustodiya nina Guo at Ong.

Ang kapatid ni Guo na si Sheila ay kabilang sa mga personalidad na ipinag-utos ng Senado na arestuhin noong Hulyo. RNT/JGC