Home NATIONWIDE Shiela Guo nahaharap sa deportasyon – BI

Shiela Guo nahaharap sa deportasyon – BI

MANILA, Philippines- Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na nahaharap sa deportasyon ang kapatid ng na-dismiss na si Mayor Alice L. Guo ng Bamban, Tarlac, dahil sa ilegal na pagkakakuha nito ng kanyang Philippine passport.

Ayon sa BI, ang aktuwal na deportasyon ng kapatid ni dismissed Mayor Guo na si Shiela L. Guo ay masususpinde habang nakabinbin ang pagresolba ng lahat ng kanyang mga kasong kriminal at iba pang pananagutan sa bansa.

“Guo (Shiela) faces a deportation case with the BI for undesirability and possible misrepresentation as a Filipino national,” pahayag ng BI.

Ipinaliwanag ng BI na si Shiela ay may balidong Chinese passport sa ilalim ng pangalang Zhang Mier kung saan mayroon itong Chinese passport na may bisa hanggang 2031.

Matatandaang bumalik sa Pilipinas sina Shiela at Katherine Cassandra Ong noong Agosto 22 kasunod ng pag-aresto sa kanila sa Indonesia ng mga lokal na awtoridad doon.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang nabanggit na nakatakdang magsampa ng mga reklamong kriminal laban sa kanila sa Department of Justice (DOJ) sa Martes, Agosto 27. JAY Reyes