MANILA, Philippines – Ipinagkaloob na sa National Museum of the Philippines bilang donasyon ang ilang sale models ng mga makasaysayang shipwrecks sa Coron, Palawan.
Ang mga modelo ay ipinagkaloob ni Engineer Holger Bub matapos ang daan-daang oras ng diving, photogrammetry documentation, 3D modelling, 3D printing, at hand painting.
Ipinapakita ng mga modelo ang kalagayan noong huling bahagi ng 2025 ng anim na barko ng Japanese Navy na lumubog sa Coron, Palawan matapos tamaan ng mga eroplanong pandigma ng United States Navy noong 1944 habang tumatakas mula sa mga air raid sa Manila Bay.
Mahalaga ang mga model bilang dokumentasyon ng kasalukuyang estado ng mga shipwrecks at magsisilbing gabay sa heritage conservation at management ng mga underwater cultural heritage sites, ayon sa National Museum of the Philippines.
Makakatulong din umano ang mga donasyon sa pagpapalawak ng kaalaman ng publiko at sa pagpapalakas ng kamalayan, lalo na sa kabataan, tungkol sa pangangalaga ng pamana ng bansa sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya. Jocelyn Tabangcura-Domenden