Home HOME BANNER STORY Sirit-presyo sa gasolina, diesel, kerosene nakaumang

Sirit-presyo sa gasolina, diesel, kerosene nakaumang

261
0

MANILA, Philippines – Magpapatupad muli ng dagdag presyo sa kada litro ng mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas ng umaga.

Sa magkakahiwalay na anunsiyo na inilabas ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, Caltex (CPI) at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng dagdag presyo na P0.60 sa kada litro ng gasolina at kerosene habang P1.00 naman sa kada litro ng diesel na magiging epektibo alas-6 bukas ng umaga.

Samantala, kahalintulad din ng mga nabanggit na presyo ang ipatutupad na dagdag ng halaga ng produktong gasolina at diesel ng mga kompanyang PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, at Petro Gazz simula alas-6 din ng Martes ng umaga habang alas-4:01 naman ng hapon ang Clean Fuel.

Nabatid na ang panibagong oil price adjustment na ipatutupad ng mga lokal na kompanya ay batay sa dikta ng pandaigdigang merkado ng presyo ng langis na dulot na rin ng mataas na pangangailangan sa langis ng maraming bansa.

Ito na ang ika-apat na sunod na linggong taas presyo sa kada litro ng gasolina habang nasa anim na sunod na linggong price hike naman sa produktong diesel at kerosene.

Matatandaan na nito lamang nakaraang Martes ay nagpatupad ng dagdag presyo na P0.80 sa kada litro ng gasolina, P1.60 sa kada litro ng diesel at P1.10 naman sa kada litro ng kerosene JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here