MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Miyerkoles na maglalabas sila ng show-cause order sa 27 government contractors dahil sa mga donasyon umano na ibinigay nila sa mga kandidato sa pulitika noong 2022 elections.
Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay nagbigay sa kanila ng sertipikasyon na ang mga kumpanya ay may kontrata sa gobyerno.
Sinabi ni Garcia na biniberipika pa nila kung ilang kandidato sa 2022 ang nakakuha ng donasyon mula sa mga contractor na ito.
Samantala, sinabi ni Garcia na tinitingnan din ngayon ng komisyon ang 31 posibleng mga public works contractor sa 2025 midterm elections.
Aniya ang Comelec, ay humingi na ng sertipikasyon mula sa DPWH tungkol dito.
Nang tanungin kung gaano karaming mga kandidato ang sangkot sa mga donasyon, sinabi ni Garcia na tinitingnan nila ang “nasa 20.”
Nauna nang kinumpirma ni ex-Senate President Chiz Escudero na nakatanggap siya ng P30 milyon na campaign donations mula sa government contractor na si Lawrence Lubiano, may-ari ng Centerways Construction and Development.
Sinabi ng huli na galing sa sarili niyang bulsa ang kontribusyon at hindi pera ng mga nagbabayad ng buwis. Jocelyn Tabangcura-Domenden