MANILA, Philippines- Binalaan ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) na nagbebenta ng fire extinguishers sa business owners na kumukuha ng fire safety clearances.
Sa isang kalatas, sinabi ni Remulla na nakahanda niyang sibakin ang mga BFP personnel na mapatutunayang may ginagawa at sangkot sa corrupt practices.
“Bawal magbenta ng fire extinguisher ang mga fire marshal at kung may ganon ireport n’yo kaagad sa akin at tatanggalin ko ‘yan on the spot,” ang sinabi ni Remulla.
“Galit na galit ako doon…Kalokohan ‘yan e. Bakit mo papahirapan ang negosyo? Nagbibigay ng trabaho ‘yan tapos gusto mo pagkakitaan lang,” dagdag na wika nito.
Sinabi pa ni Remulla na noong siya ay gobernador pa ng Cavite, pinagalitan niya ang mga fire personnel na sangkot sa illegal practices kabilang na ang pag-endorso ng mga kontratista para sa fire sprinklers.
Base sa BFP Memorandum Circular 2016-016, ang mga fire personnel ay pinagbabawalan na maugnay sa pagbebenta ng fire extinguishers at pag-endorso ng ‘manufacturers, dealers, o suppliers’ ng fire fighting equipment.
Nanawagan naman si Remulla sa mga local chief executive na hikayatin ang mga business owners na maghain ng reklamo laban sa mga pasaway at tiwaling BFP personnel.
“Mayors, please encourage business owners to file an ARTA complaint. Kung ma-delay pa more than one week, mag-file ng ARTA complaint, and I will personally see to it na ma-discipline sila,” aniya pa rin.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business Law, dapat na ipalabas ng BFP ang Fire Safety Evaluation Clearance (FSEC) at Fire Safety Inspection Certificate (FSIC) sa mga negosyo sa loob ng pitong araw ng trabaho. Kris Jose