MANILA, Philippines- Nasa 30 pamilya ang nawalan ng tirahan makaraang lamunin ng apoy ang kanilang kabahayan sa Isla Bonita, Brgy. Silangan 1, Rosario, Cavite.
Ayon sa report, bandang alas-12:10 ng madaling araw kahapon nang magsimula ang sunog sa isang bahay sa Sitio Halayhay ng nasabing lugar hanggang gumapang sa mga katabing bahay.
Base sa Municipal Disaster Risk and Reduction Management Office (MDRRMO), umabot sa 1st alarm ang sunog dahilan upang matupok ang 14 na kabahayan na pawang gawa sa light materials.
Bandang ala-1:15 ng madaling araw nang tuluyang naapula ang apoy dahil sa sama-samang pagresponde ng mga pamatay-sunog na nagbuhat pa sa mga karatig-bayan at sa pagbabayahihan na rin ng mga magka-kapitbahay.
Pansamantalang nasa pangangalaga ngayon ng DSWD ang mga pamilya ng naapektuhan ng nasabing sunog at sa evacuation area ng Brgy. Silangan 1 ng naturang bayan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Rosario kung ano ang pinagmulan ng sunog. Margie Bautista