MANILA, Philippines – Nilinaw ngayon ni Interior Secretary Jonvic Remulla na wala pang natutukoy na matibay na ebidensya sa koneksyon sa pagitan ni businessman Atong Ang at ng ilegal na factory ng sigarilyo na sinalakay sa Talisay, Cebu.
Sa isang press briefing, direktang pinangalanan ni Secretary Remulla si Police Major Edgar Tonico Jr. ng CIDG Bacolod City bilang umano’y protector ng ilegal na operasyon ng paggawa ng sigarilyo sa Negros Island Region.
Aniya, kasalukuyan nang nasa preventive custody si Tonico sa NIR headquarters at sumasailalim sa case build-up para sa posibleng isasampang kaso kaugnay ng kanyang partisipasyon sa ilegal cigarette factory at maging illegal gambling.
Ayon kay Remulla, hindi ginamit ng DILG ang CIDG o PNP ng NIR sa isinagawang operasyon noong Abril 24 dahil sangkot umano ang nasabing opisyal.
Sa halip, CIDG Cebu at CIDG Main mula sa NCR ang nagsagawa ng raid na nagresulta sa pagkakumpiska ng tinatayang 800 milyong pisong halaga ng ilegal na sigarilyo sa Talisay City.
Samantala bukod kay Tonico, tinutugis na rin ng mga awtoridad ang dalawang indibidwal na kinilalang alyas Don Robert at alyas Macmac.
Kaugnay nito sabi ng kalihim, sina alyas Don Robert at Macmac ang nagpapatakbo ng ilegal na pabrika ng sigarilyo sa Talisay. “Iisang operasyon lang ang may-ari ng illegal tobacco manufacturing san Bago at ang e-sabong sa Talisay,” pahayag ni Remulla.
Nilinaw din ng kalihim na sa ngayon ay wala pang matibay na ebidensiyang mag-uugnay kay businessman Charlie “Atong” Ang sa nasabing operasyon.
“Pero kung sasabihin ko na si Atong Ang ang involved dito, I cannot say with great conclusively na kasama siya,” ani Remulla.
Dagdag pa niya, “Hindi namin masasabi ‘yun, pero sigurado kami sa mga pangalan na sinabi ko. Nakikita namin ang link nina alyas Don Robert at alyas Macmac sa illegal operations sa NIR.”
Samantala, ilang Chinese national din ang naaresto sa isinagawang raid noong Abril 24 sa Talisay City na iniuugnay sa sindikatong nagpapatakbo ng ilegal na pagawaan ng sigarilyo. (Santi Celario)