MANILA, Philippines – Muling ipinanawagan ni Senador Grace Poe ang pagrebyu sa SIM Registration Law sanhi ng paglobo ng bilang ng spam at scam messages sa kabila ng pagbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Sa pahayag, sinabi ni Poe na nararapat lamang na muling igisa ng Senado ang National Telecommunications Commission (NTC) at telecommunication companies (telcos) kung ang mga hakbang na ginawa upang masugpo ang SIM (Subscriber Identity Module) card fraud, illegal distribution ng SIMs at kung nakapagsamba ng kaso laban sa nagsasagawa nito.
“Hindi sa batas ang problema, although wala namang batas na perpekto, makikita naman natin kung saan tayo nagkulang. Pero sa ngayon, ang halatang halata ay ang (pagkukulang sa) implementasyon, ayon kay Poe sa panayam.
“Hindi nagagawa, hindi nahuhuli ka agad itong mga ito,” himutok ng senadora.
Sinabi ng chairperson ng Senate Finance Committee na dapat ilantad ng NTC kung matagumpay na nakapagsampa ng kasong criminal sa mga scammers na patuloy na nambibiktima ng mobile phone users sa pamamagitan ng text messages at social media.
“Sa tingin ko, pwede nating tanungin ang NTC sa susunod kung meron na ba silang nakasuhan,” giit ng senador.
“Kasi alam naman natin kahit na maganda yung batas natin o yung mga parusa ay mabigat, kung wala namang nahuhuli, wala namang matatakot. So yun po yung ating nagiging dilemma dito o problema,” paliwaanag pa ni Poe.
Iginiit ni Poe na dapat suriin ng Senate Committee on Public Services kung paano nakakatawid ang text at online scams sa mga popular na social media platforms at kung paano tutugunan upang masugpo.
Naisabatas ang SIM Registration Act noong October 2022 na may pangunahing layunin na sugpuin ang cybercriminal activities, pero tinanggal ang social media bilang bahagi ng SIM card registration process dahil napag-aalala sa data privacy.
Naniniwala si Poe na dapat nang isama ang social media bilang bahagi ng batas upang epektibong masugpo ang cybercrimes at iba pang fraudulent online activities.
“Hindi lang natin pinayagan noon kasi nagkakaroon na ng dalawang topic sa isang batas. Dapat meron lang isang particular subject,” ani Poe.
“So, isa rin yan sa pwedeng tignan din ng Committee on Public Services siguro sa susunod ng mga pagkakataon,” giit pa ng senadora na dating chairman ng naturang komite at isponsor ng batas. Ernie Reyes