KASUNOD nang paglulunsad ng bagong Special Assistance for Financial Emergencies (SAFE) Loan ng Pag-IBIG Fund, inilatag nina Board Chairman Jose Ramon P. Aliling at Chief Executive Officer Marilene C. Acosta ang mga alituntunin at mga paborableng kondisyon nito upang masigurong mabilis itong mapakinabangan ng mga miyembro.
Sa ilalim ng SAFE Loan, ang mga kwalipikadong miyembro ay maaaring makahiram ng hanggang P10,000 o hanggang 90 porsyento ng kanilang kabuuang Pag-IBIG Regular Savings, alinman ang mas mababa.
Nagtataglay ito ng mababang interes na 5.95 porsyento kada taon at maaaring bayaran sa loob ng isa, dalawa, o tatlong taon, depende sa kakayahan ng miyembro na maghulog buwan-buwan.
Ayon kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta, kahit ang mga miyembrong may kasalukuyan pang babayarang Multi-Purpose Loan o Calamity Loan ay maaari pa rin mag-apply para sa SAFE Loan. Ang halaga na kanilang matatanggap ay ibabase sa natitira pa nilang pautang mula sa kanilang Regular Savings, basta’t ang kabuuang short-term loan nila ay hindi lalampas sa itinakdang 90 percent limit upang maging ligtas ang kanilang pondo.
“Ginawa naming simple at madali ang proseso ng SAFE Loan para sa kaginhawaan ng aming mga miyembro upang magkaroon sila ng ligtas na alternatibo laban sa mga mapagsamantalang pautang na may mataas na interes sa labas,” pahayag ni CEO Acosta.
“Maaari silang mag-apply online gamit ang Virtual Pag-IBIG o pumunta sa pinakamalapit na sangay ng Pag-IBIG Fund, at ang perang na loan ay direktang ipapasok sa kanilang Pag-IBIG Loyalty Card Plus.”
Dagdag pa ni Acosta, mayroon itong tatlong buwang grace period bago magsimula ang unang hulog. Sa katunayan, maaaring bayaran ng hulugan ang P10,000 loan sa loob ng tatlong taon, ang buwanang hulog ay nasa P308 lamang. Paalala naman ng Pag-IBIG Fund, ang responsableng pagbabayad sa tamang oras ay mahalaga upang manatiling matatag ang mga programa ng Pag-IBIG Fund para sa iba pang mga Pilipinong manggagawa na mangangailangan ng saklolo sa hinaharap.






