Home METRO Sinalakay na POGO hub sa Tarlac pugad ng ilegal na aktibidad

Sinalakay na POGO hub sa Tarlac pugad ng ilegal na aktibidad

TARLAC- Mistulang pugad ng mga ilegal na aktibidades ang nadiskubre ng mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) matapos salakayin ang malaking Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub kamakailan sa Bamban, Tarlac.

Ayon kay Dr. Winston Casio, tagapagsalita ng PAOCC, nadiskubre ang malawak na POGO hub sa compound ng Sun Yuan Technology Inc., na matatagpuan sa likod lamang ng munisipyo ng Bamban, na pinayagan noong mag-operate taong 2020.

Sa paglilibot ng mga awtoridad ay nalula sila sa kanilang mga natuklasan nila gaya na lamang ng ilang underground tunnel, villa at mamahaling kotse.

May malaki ding gusali para sa kanilang tanggapan, dormitoryo, dalawang basketball court at groceries stores sa lugar na  napalilibutan ng solar panels at CCTV cameras.

Mayroon din villas para sa mga matataas na opisyal at bisita na puno ng magagarang muebles at sa labas nito ay mga SUV at mamahaling sasakyan.

Sa ‘di kalayuan, mayroon ding isang Olympic-sized swimming pool.

Sa loob ng compound ginanap umano ang scam, human trafficking, at illegal detention.

Narekober ang daang-daang cellphones, gadgets at SIM cards na ginagamit umano sa scamming.

Nabisto rin ang studio na may equipment at mga peluka o wig para umano sa love scam.

Naniniwala naman si Undersecretary Gilbert Cruz, Executive Director ng PAOCC, na ang daang-daang cellphones at mga SIM card ay puro fake ang pagkakakilanlan na siyang ginagamit sa love scam, romance scam, task scams, at cryptocurrency scams.

Matatandaang sinalakay na rin ng CIDG ang POGO hub noong Pebrero 2023 dahil sa operasyon ng cryptocurrency scam, na nakapangalan noon sa Hong Sheng Gaming Technology.

Dinala naman sa Pasay City ang mga nahuling dayuhan para sa tamang disposisyon at dokumentasyon. Mary Anne Sapico

Previous articleSasakyan ng BuCor chief pinaulanan ng bala!
Next article7 sugatan, pabrika ng tela damay sa higit 12 oras na sunog sa Tondo