Home NATIONWIDE Tubig sa Magat Dam, patuloy na tumataas

Tubig sa Magat Dam, patuloy na tumataas

RAMON, Isabela – Hanggang sa ngayon ay patuloy ang pagtaas ang antas ng tubig ng Magat Dam kasunod ng mga naranasang pag-ulan lalo sa hapon dito sa Lambak ng Cagayan at bahagi ng Cordillera Administrative Region o CAR.

Ayon kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager A ng National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System o NIA-MARIIS, dahil sa mga pag-ulan sa mga nakalipas na araw ay tumaas ng 0.9 meters ang water elevation ng Magat Dam.

Sinabi pa ni Engr. Dimoloy, kinakailangan ng 185 – 187 meters above sea level na water elevation ng dam upang mapatubigan ang lahat ng sakahan na sakop ng kanilang program area.

Sa ngayon ay nasa 176 meters above sea level palang ang antas ng tubig sa dam.

Una nang napaulat na posibleng hindi matubigan o mahuhuling mapatubigan ngayong cropping season ang 30,000 hectares ng palayan dahil sa mababang lebel ng tubig sa dam na epekto ng El Nino.

Bagama’t hindi pa nagpapakawala ng tubig ang NIA-MARIIS sa ilang sakahan ay ilang magsasaka na ang nagsimula nang maghanda ng kanilang sakahan para sa susunod na cropping season.

Ayon kay Engr. Dimoloy, pinaghahandaan na din nila ang posibleng La Nina Phenomenon upang ma-maximize ang tubig sa Dam.

Sakali anyang maranasan ito ay hindi nila pupunuin ng husto ang Dam upang ma-accommodate nito ang mga tubig-ulan kapag nagsimula nang maramdaman ang La Nina. Rey Velasco