QUEZON PROVINCE — Isang video na kumakalat sa social media ang umani ng reaksyon mula sa mga netizen matapos itong maiugnay sa umano’y vote buying na naganap sa Brgy. Gulang-Gulang, Lucena City noong Abril 11, 2025.
Sa Facebook page ng “Quezon Province News and Updates,” makikita ang mahabang pila ng mga tao sa isang pagtitipon kung saan makikitang may mga inaabutang P500, bigas, at kalendaryo na may pangalan umano Alona partylist group, base sa bidyo.
Ayon sa caption ng post, ang aktibidad ay tumagal umano hanggang madaling araw dahil sa dami ng mga tao.
Hindi pa kumpirmado ang layunin ng pamamahagi, at wala pang pahayag mula sa organizers o sa naturang partylist group hinggil sa viral video.
Samantala, ilang netizen ang nagpahayag ng intensyong magsumite ng reklamo o liham sa Commission on Elections (Comelec) upang hilinging paimbestigahan kung may naganap na paglabag sa mga alituntunin ng halalan.
Ayon sa kanila, mahalagang malaman kung alinsunod ba sa batas ang naturang aktibidad, lalo na’t may campaign-related materials na kalakip.
Mariing ipinaalala ng ilang sektor na ang anumang aktibidad na maaaring magpahiwatig ng pangangampanya kapalit ng materyal na benepisyo ay dapat masusing suriin ng mga awtoridad upang mapanatili ang integridad ng halalan.
Hinihintay pa rin ang opisyal na posisyon ng Commission on Elections ukol sa isyung ito. RNT