Home METRO Sindikato nasa likod ng P2.5-B ismagel yosi sa Batangas, Malabon – BOC

Sindikato nasa likod ng P2.5-B ismagel yosi sa Batangas, Malabon – BOC

238
0

MANILA, Philippines – Isang malaking sindikato ang umano’y nasa likod ng smuggling ng mga sigarilyong nagkakahalaga ng humigit-kumulang P2.5 bilyon na kamakailan ay nasamsam sa Batangas at Malabon, ayon sa Bureau of Customs (BOC).

Ayon kay Atty. Chris Bendijo, deputy chief of staff ng Office of the Commissioner ng BOC, mahigpit na mino-monitor ng mga awtoridad ang ilegal na aktibidad na ito.

“Napakalaking sindikato po nito. Binabantayan po ito ng BOC. Sa kasalukuyan, I cannot disclose pa po ‘yung merits dahil meron pa po tayong ongoing investigation dito,” pahayag ni Bendijo sa panayam sa Dobol B TV.

Sinabi ni Bendijo na inaasahang sasailalim ang kaso sa bagong Anti-Economic Sabotage Law na may mas mabibigat na parusa laban sa malawakang smuggling at iba pang krimeng pang-ekonomiya.

“Mabuti naman po nandyan na po ‘yung ating bagong batas, ‘yung Anti-Economic Sabotage Law. Ito po ay talagang papasok doon. At talagang mabigat po ‘yung penalties dito,” aniya.

Dagdag pa niya, hindi lamang ang mga utak ng operasyon ang mananagot kundi pati ang lahat ng may kinalaman dito.

“Pati po ‘yung driver, warehouse, pati ‘yung broker kung meron man tayong makikita dito ay paparusahan sa ilalim ng batas na ito,” ayon kay Bendijo.

Patuloy pa ang imbestigasyon at hindi muna maglalabas ng karagdagang detalye ang BOC. Noong Enero 1, iniulat ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) na aabot sa P2.5 bilyong halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo ang nasamsam sa magkahiwalay na operasyon sa Malabon at Batangas. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here