MANILA, Philippines – Mahigit P3 milyong halaga ng iligal na droga ang nasabat mula sa limang miyembro ng kilalang robbery group sa tatlong magkahiwalay na operasyon sa Maynila at Valenzuela noong Lunes, Disyembre 2.
Sa ulat ng pulisya, ang “Jasareno” robbery group ay binuwag ng Manila police sa pamumuno ni alyas Joel, 42, dating miyembro ng Philippine National Police (PNP).
Nahuli rin ng pulisya ang apat na miyembro ng grupo na kinilalang sina Jhaymar, 32; Yang, 21; DJ, 41; at Melandro, 37. Pawang mga naarestong miyembro ay residente ng Tondo, Maynila.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na may pananagutan din ang grupo sa nangyaring holdap noong Nobyembre 18 sa Balut, Tondo, kung saan sakay ng tricycle ang grupo nang tangkaing patayin ang isang lalaki at pagnakawan ang mga gamit nito.
Nahulihan ng ilegal na droga ang isa sa limang suspek na si Melandro nang arestuhin sa Happy Land Compound sa Tondo.
Sa impormasyong ibinigay ni Melandro, nahuli sa buy-bust operation ang dalawa pang miyembro ng grupo na sina Yang at DJ sa iba’t ibang droga kabilang ang 45 gramo ng cocaine, 11 gramo ng marijuana at apat na piraso ng marijuana vape.
Arestado sa Valenzuela sina Ronnie at Jhaymar, ang mga umano’y lider ng grupo, dala ang kalibre .38 na baril.
Sinabi ng pulisya na si Joel ay pinangalanang Top 3 Station Level Most Wanted Person para sa Malversation of Public Property habang si Jhaymar ay Top 6 District Most Wanted Person para sa Attempted Murder.
Dagdag pa na patuloy nilang babantayan ang mga lugar upang mapanatili ang seguridad habang pinalakas ang pagpapatrolya kasama ang Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) sa Tondo. RNT