Home METRO SITG binuo vs gunman ng barangay kagawad sa Batangas

SITG binuo vs gunman ng barangay kagawad sa Batangas

BATANGAS CITY- Bumuo ang Batangas City police station ng Special Investigation Task Group (SITG) para sa mabilis na pagdakip sa suspek sa pamamaril-patay sa barangay kagawad isang linggo ang nakalipas sa lungsod na ito.

Matatandaan na noong nakalipas na Lunes, bandang ala-1 ng hapon ay pinagbabaril-patay si Kagawad Dennis Atienza, sa Sitio Itlugan, Barangay Cuta, ng nasabing lungsod.

Ayon kay PLT. Sharen Ama, hepe ng Batangas City Police Station, kagagaling lamang sa palengke ng biktima at sinundan ito ng mga suspek na nakasakay sa motorsiklo.

Pauwi na ang biktima sa kanilang bahay sakay ng kanyang motorsiklo at saktong pagparada nito ay saka siya pinagbabaril sa iba’t ibang parte ng katawan ng gunman.

Kaagad namang dinala sa ospital ang biktima subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.

Matapos ang krimen ay mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Barangay Sta. Clara ng nasabing lungsod.

Sa imbestigasyon ng pulisya, base sa mga kuha sa CCTV, nakasuot ng itim na helmet ang gunman, facemask, shorts at longsleeves habang ang driver ng motorsiklo ay nakasuot ng light maroon na hoodie jacket.

Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang mga awtoridad para malaman ang tunay na motibo sa krimen. Mary Anne Sapico