Home TOP STORIES SJDMWD, PrimeWater officials inireklamo sa Ombudsman

SJDMWD, PrimeWater officials inireklamo sa Ombudsman

64
0

MANILA, Philippines — Naghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang local consumer advocacy group na UHAW at ilang kasalukuyan at dating empleyado ng San Jose del Monte Water District (SJDMWD) kaugnay ng joint venture agreement nito sa PrimeWater Infrastructure Corp.
Sa 928-pahinang reklamo, inakusahan ng mga complainant ang ilang opisyal ng SJDMWD at mga respondent na iniuugnay sa PrimeWater ng umano’y mga iregularidad kaugnay ng pagpapatupad ng kasunduan.

Tinawag ng mga complainant na isang “sweetheart” joint venture ang kasunduan at iginiit na hindi umano sapat na natugunan ng SJDMWD management ang ilang findings na inilabas ng Commission on Audit (COA) mula 2018 hanggang 2024.

Batay sa audit figures na binanggit sa reklamo, nagtala ang SJDMWD ng net income na P187.56 milyon noong 2016 at P126.48 milyon noong 2017.

Bumaba umano ito sa P53.6 milyon noong 2018 at P2.27 milyon noong 2019, bago nagtala ng net loss na mahigit P5 milyon noong 2020.

Nauna na ring naiulat mula sa COA records ang malaking pagbaba sa financial performance ng water district matapos ang joint venture.

Isa rin sa mga isyung binanggit sa reklamo ang umano’y pagkaantala sa pagtatatag ng Rewards and Penalties Framework na nakasaad sa JVA, gayundin ang mga tanong hinggil sa inventory, receivables at ilang gastusing sinasabing dapat sana ay obligasyon ng private partner.

Tinukoy din ng complainants ang mataas na Non-Revenue Water o NRW. Umabot ito sa 42.66% noong 2024, ayon sa COA data na nauna nang naiulat.

Ipinapasuri rin ng complainants ang paggamit umano ng SJDMWD funds para sa ilang gastusin na, ayon sa kanilang interpretasyon sa JVA, dapat sagutin ng PrimeWater. Hinihiling nilang matukoy ng Ombudsman kung may kaukulang administrative o criminal liability.
Kinuwestiyon din sa reklamo ang lawak ng investments na naisakatuparan sa ilalim ng JVA.

Ayon sa complainants, mula sa humigit-kumulang P6.77-bilyong investment commitment, nasa P748 milyon lamang umano ang naipatupad matapos ang ilang taon.

Nauna na ring naiulat ng San Jose del Monte City government ang halos kaparehong halaga ng aktuwal na investment kumpara sa ipinangakong infrastructure spending.

Kasama rin sa reklamong ipinapasuri ang umano’y mahigit 1,400 pending water connection applications noong 2024 at ang paggamit umano ng resources ng water district upang matugunan ang ilan sa mga ito.

Nauna nang sinabi ni dating Sen. Manny Villar kaugnay ng hiwalay na mga reklamong may kinalaman sa PrimeWater na handa nilang sagutin ang mga alegasyon sa tamang forum. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here