Home NATIONWIDE Palasyo may pasaring kay Baste: Lider na ‘di inaalam mga pinipirmahan, delikado

Palasyo may pasaring kay Baste: Lider na ‘di inaalam mga pinipirmahan, delikado

1
0

MANILA, Philippines – PARA sa Malakanyang delikado ang isang lider na hindi inaalam ang mga transaksyon o kontrata na kanyang pinipirmahan.

Ito ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang nang hingan ng komento ukol sa sinabi ni Davao City Mayor Baste Duterte sa Senate Impeachment Court bilang testigo ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte na hindi niya alam na ang GenCorp Industries Inc., ay isa sa mga negosyong idineklarang pag-aari ng kanyang kapatid na si VP Sara.

Ang katuwiran ni Mayor Baste, walang nakasaad sa mga dokumentong isinumite ng GenCorp Industries Inc. sa Davao City government na pangalan ni VP Sara bilang stockholder o may-ari ng kumpanya.

“Ilan taon na po ba siyang mayor? Again, itong ating kasagutan ay hindi po para husgahan siya. Babase lang po tayo sa mga nadinig natin, at kung ano ang kanyang nalalaman at kanyang mga binanggit sa hearing kahapon. Kung gaano na ba siya katagal na mayor at kung paano hindi niya tinitingnan iyong mga kontratang kanyang pinipirmahan, magiging delikado ito. Kung gagamitin din ito ng iba mga mayors para sabihin, hindi ko alam, na kapatid ko pala iyong ka-transact ko,” ang paliwanag ni Castro.

Si Mayor Baste ay pansamantalang umupo bilang alkalde ng Davao City matapos na ma-detain ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte, nanalong Alkalde noong 2025 midterm elections na ngayon ay naka-detain sa The Hague, Netherlands. Si Digong Duterte ay nahaharap sa crimes against humanity kaugnay ng kanyang “war on drugs” campaign.

At sa tanong naman kung anong klaseng kapatid si Mayor Baste dahil mariin nitong sinabi sa Senate Impeachment Court bilang testigo na wala siyang alam na may interest si VP Sara sa GenGorp., sinabi ni Castro na:

“So sa ganyang kaganapan, hindi natin masasabi dahil iyon ay nasa kanyang puso, nasa kanyang isip kung siya ba’y nagsisinungaling o hindi. Pero ang isang mayor o kahit sinumang leader o pinuno, kapag ikaw ay may sakop sa isang ahensiya o sa isang organisasyon, masabi na natin, pati mga areas or bansa mismo, hindi po maaaring basta masabi na walang alam, hindi inaalam o walang pakialam.”

“Maaari sa start, sa umpisa, in good faith, definitely, oo, dahil nag-i-start pa ngayon. Pero ‘pag may nakikita ka na ng mga kakaiba na pangyayari sa iyong nasasakupan, hindi puwedeng magtulog-tulogan,” ang diing pahayag ni Castro.

“Sa umpisa, yes, katulad ng binabanggit ni Sen. (Panfilo) Lacson tungkol sa Arias versus Sandigan Bayan. Pero ang sinasabi sa Arias versus Sandigan Bayan, maaari mong gamitin ang doktrina dito kung ito ay hindi madalas. Kung nagkataon na ikaw talaga ay in good faith dahil sa paniniwala mo, pero kung nakikita mong may mga anomalya na at mayroon ka na nakikitang alingasngas, hindi mo na puwedeng gamitin ang Arias versus Sandigan Bayan para pagtakpan ang iyong kahinaan o pagtakpan ang iyong kaalyado o iyong kapatid,” litaniya nito.

Sinabi pa ni Castro na hindi niya masabi kung pinagtatakpan ni Mayro Baste ang kanyang kapatid na si VP Sara.

“”Hindi natin masasabi, hindi natin mabibigyan ng anumang paghuhusga ang kanyang statement. Ang ipinakita lang niya kahapon ay wala siyang alam. Wala siyang alam, hindi niya inalam, at parang wala siyang pakialam. Pero noong sinabi niya na ganitong wala siyang alam at binanggit nga ni Senator Lacson ang tungkol sa Arias versus Bautista, parang lumalabas na pinagtanggol niya iyong sarili niya as a mayor. Inangat niya iyong sarili niya as a mayor,” anito.

“Pero in a way, nalaglag ang kapatid niya noong sinabi niya na kung alam niya lang na may interest ang kapatid niya sa GenCorp, hindi niya ito papayagan. But, ito ay hindi paghuhusga, based lang doon sa nadinig natin na kanyang mga ikinuwento. But still, again, we should not judge Mayor Baste Duterte based on his own statements,” aniya pa rin.

Kaya nga dapat aniyang tandaan ng publiko na ang bagong Pilipino ay gumagawa ng aksyon ayon sa kanyang mandato at ayon sa batas.

“Dapat may alam at mga issue at kontrata ay pilit na inaalam. Delikado ang taong walang pakialam para ilusot ang mga pagkamkam,” diing pahayag ni Castro. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here