Home NATIONWIDE Pampanga River Basin Authority vs baha sa Central Luzon, lilikhain ng Senado

Pampanga River Basin Authority vs baha sa Central Luzon, lilikhain ng Senado

1
0

MANILA, Philippines – Isinusulong ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang pagtatatag ng Pampanga River Basin Authority para maging sentral na ahensyang mamumuno sa mga proyekto at plano laban sa baha sa buong lalawigan at sa mga karatig-lugar ng Pampanga River Basin.

Nitong Martes, Setyembre 29, inihain ni Pangilinan ang Senate Bill No. 2516 na maglalatag ng permanenteng mekanismo para sa basin-wide planning, koordinasyon ng proyekto, technical review, monitoring, at pananagutan sa mga flood-control project sa Pampanga.

Personal na bumisita si Pangilinan sa Pampanga matapos malubog sa baha ang ilang lugar dahil sa mga bagyo at pinalakas na habagat.

“Taon-taon na lang, sa tuwing may ganitong sakuna, magagalit tayo at kakalampagin ang isa’t isa. Hanggang kelan ba dapat magdusa ang mga Cabalen dahil sa pagbaha sa kanilang lugar?” tanong ng senador.

“Kagaling ko lamang sa Pampanga at kitang-kita ng mga mata ko kung paano na lamang nilamon ng baha ang mga bahay at kabuhayan. Hindi na sana aabot sa ganito kung may malinaw at konkretong plano para dito,” dagdag niya.

Sa ilalim ng SB 2516, bubuo ng 20-taong integrated basin plan at 5-taong rolling investment program ang authority.

Kabilang din dito ang:

1. Flood-compatibility review para sa lahat ng malalaking proyekto

2. Koordinasyon sa operasyon at maintenance ng dam, reservoir, irigasyon, pumping station, drainage, at flood-warning system

3. Pagsasama ng food security, agrikultura, pangingisda, kabuhayan, at patas na kabayaran sa mga lupang gagamitin para sa flood storage

4. Economic appraisal at public dashboard para ilantad ang gastos, kontrata, progreso, bayad, maintenance, at resulta ng mga proyekto

“By establishing one basin-wide plan and a clear system of accountability, the bill will help ensure that flood-control investments are properly sequenced, supported by scientific and economic evidence, and evaluated according to the losses they prevent,” ayon sa explanatory note ng panukala.

“It will also protect food-producing areas, livelihoods, communities, and critical transport links from the effects of recurring flooding,” dagdag pa rito.

Binanggit ni Pangilinan ang datos ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council na umabot na sa P1.164 bilyon ang pinsala sa agrikultura sa Pampanga as of September 14. Ito ay mahigit kalahati ng kabuuang P2.204 bilyon na naitalang pinsala sa buong Central Luzon.

Apektado rin ang 35,990 na magsasaka at mangingisda sa rehiyon. Kamakailan, nakaapekto rin ang baha sa San Simon na nagdulot ng aberya sa operasyon ng North Luzon Expressway.

“Ang tunay na malasakit at serbisyo sa ating mga kababayan ay makikita sa paggawa ng sistemang magpoprotekta sa kanila bago pa lang dumating ang baha. Hindi na dapat aabot pa sa nawalan ng buhay, ari-arian, at kabuhayan ang ating mga Cabalen kung kikilos na tayo ngayon,” pagtatapos ni Pangilinan. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here