MANILA, Philippines – Hinimok ni Sorsogon Bishop Jose Alan Dialogo, chair ng CBCP Commission on Family and Life, ang mga magulang na palakasin ang komunikasyon sa pamilya para protektahan ang mga bata laban sa masamang impluwensya ng social media.
Ayon sa Obispo, kapag kulang sa pagmamahalan at komunikasyon sa bahay, naghahanap ang mga bata ng ibang impluwensya na ngayon ay social media at nagiging ugat ng karahasan at sexual abuse.
Iminungkahi niya na ibalik ang sama-samang pagkain sa hapag-kainan na aniya ay “puso ng pamilya” kung saan nagkakamustahan at nagbabahaginan ang bawat miyembro.
Iginiit ni Bishop Dialogo sa Interfaith Family Forum sa UP BGC nitong Setyembre 29 na ang kapayapaan ay unang natututunan sa pamilya, hindi sa parlamento.
Pinuri rin niya ang pagtutulungan ng iba’t ibang relihiyon para sa matatag na pamilya sa gitna ng hamon ng teknolohiya at AI.
Samantala, ayon kay Fr. Carlos Reyes, kailangan ng multidisciplinary approach — kasama ang law enforcement, legal at medical sector — para tugunan ang mga problema tulad ng human trafficking at karahasan na lumalala dahil sa social media. Jocelyn Tabangcura-Domenden